Maalab na pagsalubong kay Miss World

    396
    0
    SHARE

    Kumakaway si Megan Young, Miss World 2013, bilang tanda ng kanyang masayang pagbati sa mga kababayan sa kanyang pagbisita sa Olongapo City.

    KUHA NI JOHNNY R. REBLANDO

    OLONGAPO CITY —
    Naantala ng ilang oras ang pagdating ni Miss Wold 2013 Megan Young sa kanyang pagbisita sa Olongapo bunga ng epekto ng bagyong Santi, pero hindi inalintana ng kanyang mga kababayan na masayang sumalubong sa kanya.

    Umaga pa lamang ay marami na ang nagabang sa kanya sa harapan ng Ayala Mall. Unang dumating ang inang si Vicky at nakipagkuwentuhan ito kina Castillejos Mayor Jose Angelo Dominguez at 1st District Rep. Jeffrey Khonghun.

    Sa pagdating ni Young, nagsiksikan ang kanyang mga kababayan sa loob ng mall at hindi maiwasan ang mga tulakan para lamang makita ang idolo. Binigyan naman ng welcome si Young nina SBMA Chairman Roberto Garcia, Congressman Khonghun, Mayor Dominguez at Olongapo City Mayor Rolen Paulino.

    Sa kabila ng masungit na panahon itinuloy ang motorcade ni Young kasama si Mayor Paulino para mabati ang mga kababayan na naghintay sa kahabaan ng Magsaysay Drive, Gordon Avenue at Rizal Avenue. Nagtungo din sa Young sa Olongapo City Hall kung saan naghintay ang mga city councilors at mga kawani.

    Pinagkalooban naman si Young ng Commendation at Congratulation for Winning the Prestigious Search for Miss World 2013 batay sa City Resolution No. 114, Series of 2013.

    Malaki naman ang naging pasasalamat ni Young sa mainit na pagtanggap ng kanyang mga kababayan at ang ibinigay na pagkilala sa kanya ng pamahalaang lungsod ng Olongapo. Nagtungo din sa Tabacuhan, Sta Rita para sa isang feeding program, kasunod nito ang pagbisita sa mga kababayang tinamaan ng leptospirosis na naka-confine sa James Gordon Memorial Hospital.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here