Personal na pinangunahan ni Maj. Jaime Ferrer ang pamamahagi ng tulong ng pulisya ng Zaragoza sa mga may kapansanan sa bayan. Larawang kuha ng ZPS-PCR
ZARAGOZA, Nueva Ecija –– Sa gitna ng mas pinalawig na enhanced community quarantine, sinisikap ngayon ng pulisya na makatulong sa mga higit na nangangailangan sa pamamagitan ng pamamahagi ng donasyong bigas.
Target ni Major Jaime Ferrer, hepe ng Zaragoza police station, na matulungan ang may 125 pamilya ng mga mahihirap na lumpo at bulag sa bayang ito.
Ayon kay Ferrer, sa ngayon ay tig-10 kilong bigas kada pamilya na may lumpo at bulag ang kanilang ibinibigay.
“Alam natin kung gaano kahirap ang sitwasyong ito sa ating mga kababayan, lalo na sa may kapansanan, kaya hangad naming ang makatulong kahit sa maliit na paraan,” ani Ferrer.
Matatandaan na sa pangalawang pagkakataon ay pinalawig ni Pangulong Duterte, batay sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang ECQ sa Central Luzon at iba pang high–risk provinces. Mula sa inaasahang pagtatapos ngayong April 30 ay tatagal na ang ECQ hanggang ika-15 ng Mayo.
Ayon kay Ferrer, isang Vietnamese na residente ng bayang ito, ang nagbahagi rin ng bigas. Mismong sa mga bahay ng may kapansanan dinadala ang kanilang donasyon.
Bukod sa pagpapanatili ng kaayusan at pagtiyak na nasusunod ang mga panuntunan ng ECQ, ay nais rin ng opisyal na iparamdam ang pagkalinga ng unipormadong hanay sa nangangailangan.
Alinsunod na rin, aniya, ito sa mga programa ng Police Regional Office 3 sa ilalim ng pamumuno ni Brig. Gen. Rhodel Sermonia.
“Napapanahon naman yung aming Rektang Bayanihan,” dagdag ni Ferrer.