Ang lumang Bataan Capitol na ginawang annex ng BGHMC. Kuha ni Ernie Esconde
LUNGSOD NG BALANGA — Binuksan na ang lumang Bataan Capitol bilang annex ng Bataan General Hospital and Medical Center upang magsilbi sa mga pasyenteng walang coronavirus disease.
Pinangunahan ni Gov. Albert Garcia ang pagpasinaya na pagmamalaking sinabi ang kahalagahan ng BGHMC lalo na sa mahihirap na pasyente.

“Nasanay sila sa BGHMC na ‘no out of pocket’ dahil ‘no balance billing’ dito kaya naglagay tayo ng social workers para may mag-asses para mabigyan ng tulong pinansyal ng ating lalawigan,” sabi ng governor.
“Hindi lang natin nare–realize kasi we take it for granted na ganun pala karami ang mga pasyenteng pinapupunta sa BGHMC,” dagdag pa ni Garcia.
Ayon sa gubernador, na–overwhelmed ang mga private hospitals kahit maraming kuwarto at maraming pasilidad ay hindi sumapat: “So, ganoon kalaki ang bahagi na ginagampanan ng BGHMC noong hindi pa nagkakaroon ng pandemic virus.”
Sinabi ng governor na napakaluwag na ang BGHMC at nalampasan na ang matinding pagsubok dahil sa gumaling na ang kanilang mga professional health care workers na tinamaan ng Covid-19.
Ginawang annex ang lumang Capitol matapos maging exclusive facility para sa Covid-19 ang BGHMC.
Ayon kay Garcia, may 50-bed capacity ang annex at puwede rito ang mga minor surgeries.
Pumalit sa lumang Capitol ang The Bunker bilang seat of the provincial government.