HANGGANG ngayon ay nananatiling pangarap lamang sa mga fans ng tambalang Kim Chiu at Xian Lim bilang sila sa totoong buhay.
Wala umanong relasyon ang dalawa kundi ang pagiging close na magkaibigan lamang. Walang alinlangan na tanggap ng publiko ang tambalan nina Kim at Xian na nagsimula nang gawin nila ang seryeng “My Binondo Girl” na nasundan pa ng “Ina, Kapatid, Anak” na parehong top-rating programs at meron din silang dalawang hit movies, ang “Bakit Hindi Ka Crush ng Crush Ko” at “Bride for Rent” at may bago silang movie na sisimulan next month.
Sabagay, marami namang mga love teams ang walang relasyon sa totoong buhay. Wala na sigurong makakatalo pa sa naging love-team noon nina Nora Aunor at Tirso Cruz III. Although nagkaroon sila ng relasyon, iba ang kanilang nakatuluyan.
Si Lyn Ynchausti-Cruz ang napangasawa ni ni Pip (Tirso) at si Christopher de Leon naman ang pinakasalan ni Guy (Nora) na nauwi naman sa maagang hiwalayan. Christopher has since remarried at pinakasalan niya ang aktres na si Sandy Andolong. Sina Guy at Boyet (Christopher) ay nagkaroon ng isang anak, si Ian de Leon.
Sobra ring mainit ang loveteam noon nina Vilma Santos at Edgar ‘Bobot’ Mortiz. Naging sila rin noong mga teen-age pa sila pero sa iba sila napakasal. Si Bobot ay ikinasal kay Millet Santos, nakababatang kapatid ng president-CEO ng ABS-CBN na si Charo Santos.
Si Vi naman as everybody knows ay ikinasal kay Edu Manzano kung kanino siya may isang anak, si Luis Manzano. Nagkahiwalay sina Vi at Edu at muling nagasawa si Vi kay Sen. Ralph Recto.
Kahit sina Maricel Soriano at William Martinez ay hindi rin nagkatuluyan ganundin sina Snooky Serna at Albert Martinez. Maging sina Susan Roces at Eddie Gutierrez at sina Gloria Romero at Luis Gonzales at napakarami pang iba. Maging ang love-team noon nina Judy Ann Santos at Wowie de Guzman ay iba rin ang naging ending just like Manilyn Reynes and Janno Gibbs at iba pa.
One of the most successful love-teams na talagang sinuportahan nang husto ng publiko ay ang tambalan nina Vilma Santos at Christopher de Leon. Wala na marahil ibang love-team o tandem ang makakatalo sa naging matagumpay na tambalan nina Vi at Boyet na nakagawa ng mahigit 20 pelikula na silang dalawa ang mga pangunahing bituin.
Loveteams are important pero hindi ito nangangahulugan na sila rin ang magkakatuluyan sa totoong buhay.
Napakainit din ngayon ng tambalan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla and no one knows kung silang dalawa ang magkakatuluyan balang araw. Samantala, unti-unti na ring binabasag ng ABSCBN ang tambalan nina Kim at Xian dahil sa bagong teleserye ni Kim ay si Coco Martin ang kanyang kapareha sa “Ikaw Lamang” habang si Xian naman ay magkakaroon ng bagong serye na si Jessy Mendiola naman ang kapareha.
Pero hindi naman daw kailangang mabahala ang mga fans ng Kim-Xi dahil may bago silang movie nagagawin under Star Cinema kung saan muling pumirma ng two-picture contract ang actor-singer na si Xian.