KAUGNAY ng isyu, na itong Maynila
ay ‘Province of China,’ nakababahala
sa puntong tayo ay pinupulso yata
ng Tsina kung tayo’y papalag ika nga.
Ang balaking ninanais na sakupin
ng bansang naturan matagal na nating
nararamdaman kung gaano kaitim,
mula’t sapol ng mga ninuno natin.
Pero, ani Roque: “Kalokohan po yan
at hindi raw dapat bigyang pansin man lang
pagkat wala naman din naniniwalang
ang Maynila, sakop ng bansang naturan.
Ganyan humigit-kumulang ang sinabi
ng ‘loudspeaker’ ng ating Presidente;
At wala rin namang kabuluhan bale
aniya ang ganitong mga pangyayari?
Na ang inilagay d’yan sa etiketa
ng ‘locally made’na ‘beauty products’ di ba
na ‘Made in Manila, (at) Province of China’
ang sa pakete niyan ay naka-imprenta;
“Unacceptable,” ang sigaw ni Moreno,
nanggagalaiti at daglian nito’ng
kay Sec Harry Roque katugunan nito:
‘What pride truly is for us born Pilipino?’
“Hindi po yan katanggap-tanggap sa akin
bilang Pilipino at Manileño rin,
kaya di marapat payagan po natin,
bahagi ng atin kanilang sakupin”.
Di nga naman kailan man naging probinsya
itong Maynila ng bansa r’yan ng China;
At ni minsan di naging parte ng Tsina
sa alin mang lathalaing lumabas na.
Dagdag pa ni Yorme: Di dapat hayaan
ang mga super power na katulad n’yan
na para bang tayo pitik-pitikin lang
sa mata at kaya ring tapak-tapakan.
Ang soberentiya nitong ating bansa,
at dito pa sa’ting lungsod ng Maynila
gagawin itong sa akala po yata
ay magaan nilang dito maisagawa?
Pagdidiin: ‘Di po ako ang governor
ng China, kundi ako po itong Mayor
dito sa Maynila, at ang ating nasyon
nagsasarili at may sariling timon?
At insigida ay kanyang iniutos
itong madalian na pagpapa-‘deport’
na ‘Chinese nationals, na ‘owner’ ng bogus
na ‘beauty products’ nyan na walang pahintulot.
Apat na tindahan pa ang pinasara
na nagbebenta ng pekeng pampaganda,
at ang nakalagay nga sa etiketa,
gawa sa Maynila, na sakop ng China.
Itong ating ‘Food and Drug Administration’
ipinag-utos n’yan, kanselahin itong
‘license to operate’ ng may-ari nitong
‘beauty products’ na siya rin ang ‘distributor’.
Kung sa sine yan, si Roque ay Loro,
bayani ang karakter ni Yorme Isko;
yan ang malinaw na maaninag mismo
sa ‘true-to-life’ nila’t uri ng serbisyo!