BAKIT UMIWAS si PNoy na magsabi
ng tungkol sa ating Pangulong Duterte
nang sa St. Theresa College, Quezon City
magtalumpati ang dating Presidente?
Gaya halimbawa ng may kinalaman
sa ‘extra judicial killings’ at iba pang
isyung kaugnay ng napakaigting niyang
kampanya laban sa gamot na iligal.
At ang tanging napagtuunan ng pansin
ni B.S. Aquino III ay ang hinggil
kay Apo, na ayaw niyang ipalibing
sa libingan ng mga bayani natin.
At kung papaanong magiging mabuti
bilang Filipino ang pinag-mapuri;
Pero sa haba ng mga pinagsabi,
ni kataga walang para kay Duterte.
At anumang hinggil sa administrasyon
ni gabinlid man lang ay walang tinukoy
at walang pagpuna o di pagsang-ayon
na namutawi sa bunganga ni PNoy.
Subalit tulad ng sa itaas nito,
ipinahayag ng abang-lingkod ninyo,
si Apo Lakay ang kwenta naging sentro
nang napakahaba nga nitong diskurso.
Nilabag daw ni Marcos ang Konstitusyon
(at nagpakasasa nang panahong iyon?)
Pero, di ba’t ganun din naman si PNoy
sa panahon ng kanyang adminsitrasyon?
Kung alin ang isyung luma na’t nilumot
tungkol kay Pangulong Ferdinand E. Marcos,
ang paulit-ulit nitong binatikos,
pero ang ngalan ay di binanggit lubos.
At halatang ilag na masambit niya
ang kahit taguri man lang nitong isa,
kaya maaaring ‘iwas-pusoy’ siya
sa posibleng pag-resbak ng kapamilya!
Sabi nga ni Ka Mel “Batas” Mauricio
na pinagbatayan ko ng bagay na ito,
“Look who’s talking” (kaya sigurado tayo,
siya’ng “unico hijo” ni Cory Aquino).
Na sa ganang sariling interpretasyon
ni ‘yours truly’ (at ng marami rin ngayon)
ay ganun din naman ang kulay ni PNoy
kumbaga ika nga sa kawan ng ibon!
Kasi ay wala rin namang pinag-iba
si PNoy sa isyung ginawa rin niya,
pagkat nilabag din n’yan ng sobra-sobra
ang Konstitusyon ng ating Republika.
Kung saan pati na ang Highest Tribunal
ay hindi nga rin niya sinunod mabigyan
ng pahintulot si Pangulong Macapagal
para magpagamot sa ibang bansa yan.
Di nga ba ang dapat sinusunod lahat
ng mga opisyal na nakatataas,
maging ng Pangulo nitong Pilipinas
ang nangangasiwa ng Saligang Batas?
Grave gross misconduct and disobedience of law
din naman ang ibang nagawa ni Noynoy;
Kaya manalamin muna’t nang matanaw
ang sarili sa likod ng akusasyon!