Lola patay, pamangkin comatose

    557
    0
    SHARE

    PILAR, Bataan- Isang matandang babae ang patay samantalang ang pamangkin niyang babae ay comatose nang habang masayang nagkukuwentuhan noong Linggo ng gabi sa tabi ng tindahan sa gilid ng kalsada sa Pilar ay suyurin sila ng isang pampasaherong jeepney na diumano’y nawalan ng preno at giya.

    Kinilala ni Inspector Edgardo Bernardo, Pilar police chief, ang namatay na si Carmelita Solomon Lintag, 63 at ang nasa malubhang kalagayan naman  na si Jesselet Lanosa, 27, kapwa taga-J. Rizal, Pilar. Si Lanosa ay hindi pa nagkakamalay buhat nang dalhin Linggo ng gabi sa intensive care unit ng St. Joseph Hospital sa Balanga City.

    Ayon kay Domingo Lintag, nasa loob siya ng bahay at nanonood ng programang “Mel and Joey” nang makarinig siya ng malakas na kalabog at nalaman niyang nadumog pala ng jeepney ang kanyang asawa at pamangkin.

    Agad nilang dinala ang dalawa sa St. Joseph Hospital kung saan ginawang lahat umano ng mga doctor na mabuhay ang kanyang asawa subalit ang mga ito’y hindi nagtagumpay sapagka’t dead on arrival na ang matandang babae.

    “Nakaupo sa tabi ng tindahan ni Jessel ang mag-tiya at masayang nagkukuwentuhan nang salpukin sila ng jeepney at tumilapon sila samantalang ang sasakyan naman ay sinagudsod ang bahay na kasunod,” sabi ng manugang na babae ng matandang namatay.

    Wasak ang harapang bahagi sa kanan at may basag ang mga bintanang salamin  ng XLT passenger jeepney na may plakang CW-985 na minamaneho ni Manuel Evangelista ng Lalawigan, Samal, Bataan. Galing sa Lamao, Limay, Bataan ang sasakyan at pauwi na sa Balanga nang mangyari ang sakuna, sabi ni Police Lt. Bernardo.

    Wasak naman ang pader na hollow block ng bahay na dinumog ng jeepney.  Nagkaroon diumano ng amicable settlement at hindi nagpabaya sa pagtulong sa mga biktima ang may-ari ng sasakyan na si Feliciano Salazar ng Tuyo, Balanga City.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here