Larawan kuha sa NGCP-FB page.
MEXICO, Pampanga — Binawi na ang pinatupad na isang linggong lockdown sa National Grid Corp. of the Philippines substation sa Barangay San Jose Matulid hatinggabi ng Lunes.
Ayon kay Arthuro Bondoc, kagawad sa Brgy. San Jose Matulid, isinailalim sa lockdown ang substation ng NGCP sa utos ng lokal na pamahalaan matapos magpositibo ang isang 40-anyos na gwardiya doon sa isinagawang swab testing sa inisyatibo ng NGCP para sa mga kawani nito.
Dahil dito ay kasama na din sa sumailalim sa quarantine noong ika-20 ng Hunyo ang iba pang mga empleyado dito at nanatilli na lamang sa loob ng compound ng substation at hindi na pinauwi sakanilang mga bahay bilang safety measures.
Aniya, ang mga kawani ay dinadalhan na lamang ng mga pagkain at iba pang pangangailangan ng mga ito.
Binabantayan naman nila ang paligid ng NGCP 24-oras sa loob ng isang linggo upang masiguro na walang papasok at makalalabas ng naturang tanggapan habang pinapairal ang lockdown.
Ayon kay Bondoc, hatinggabi ng Lunes ay ili-lift na ang lockdown sa NGCP dahil mabuti na ang lagay ng gwardiya maging ang miyembro ng pamilya nito.
At nitong nakaraang araw ay naging negatibo na sa virus ang nasabing gwardya ng muling kuhanan ng Covid test.
Aniya, wala namang nahawa ang naturang gwardiya sa iba pang mga empleyado doon at nagnegatibo din sa testing ang mga empleyado ng NGCP.
Sinisikap pa ng Punto! na makuha ang panig ng NGCP sa Pampanga at lokal na pamahalaan ng Mexico hinggil sa nangyaring lockdown.