KUNG TOTOONG si Senador Lito Lapid
ay sinampahan na ng Ombudsman office
ng kasong graft sanhi ng daang milyones
na salaping aywan kung siya ay sabit
Sa ‘fertilizer fund’ nang siya’y Governor pa
dito sa probinsya mismo ng Pampanga,
Yan ay di malayong matulad din kina
Senador Enrile, Estrada’t Revilla
Na nakulong dahil sa ‘pork barrel scam;’
at ang sa kanya ay ‘fertilizer’ naman
na dinoktor yata’t kusang pinatungan
ng 1,000 percent ang ‘selling price’ daw riyan
Ng bawat kilo na dapat ay 120.00
lamang pero naging 1,250.00
ang inilagay na presyong pagkabili,
kaya nga ‘overpriced’ sa madaling sabi.
Kaugnay ng isyung yan ay inapruban
na ni Chair Conchita Carpio ng Ombudsman
ang inihanda na nilang kaukulang
demanda laban sa lahat ng sangkot diyan.
Kung saan ang iba ay dating empleyado,
at ang ilan baka nariyan pa siguro;
Damay pati na rin ang kumpanya mismo
na nag-deliver ng nasabing abono
Na posibleng naging kasabuwat ni Lapid
kasama pati na ang ‘treasury office’
na gumagawa sa lahat ng papeles
para sa ‘payables’ ng Governor’s office.
Na ganyan ang tunay na halaga, kontra
sa siyento beinte lang per kilo talaga,
ayon sa ‘task force’ na inatasan para
mangalap ng matibay na ebidensya.
At kung saan ay may mga magsasaka
ang nakapagsabi na wala daw sila
umanong natanggap kahit katiting na
abonong nanggaling sa “Bida ng Masa”.
Kung magkagayon ay di lang isang buhol
itong nakatakdang kakalagin ngayon
ni Lapid, nang dahil na rin sa maugong
na isyu ng PDAF ni Napoles at Luy
Kaya di malayong alumpihit na yan
sa kakaharapin sa Sandigangbayan,
dala na rin nitong di inaasahan
marahil ni Lapid ang kasong naturan.
Kung saan di lamang itong isyu hinggil
sa ‘fertilizer’ at pagkakasangkot din
ni Lito Lapid sa PDAF ay matinding
dagok sa isang tulad niyang Senador mandin.
At di rin malayong ang “Bida ng Masa”
ay di lang sa isyu ng PDAF at saka
‘fertilizer scam’ sabit ang ngalan niya
kundi pati na rin sa ibang isyu pa.
Gaya halimbawa riyan ng bakit noong
siya at si Mark ang umupong Governor
ng Pampanga ay di kasinglaki ngayon
ang kita sa ‘quarry’ na halos ay milyon
Ang ‘daily collection’ ng ‘Treasurer’s Office’
kumpara nang itong mag-tatay na Lapid,
ang nasa Capitol; at napakaliit
ng kita noon sa bagay na nabanggit.
Di ko sinasabing ibinulsa nila
ang perang dapat ay para sa probinsya;
Pero kayo po ba ay di nagtataka,
nang lumobo kay Among at Nanay Lilia?!