TALAVERA, Nueva Ecija — Simula sa darating na linggo ay kailangan nang bayaran ng gobyerno ang electric bill at iba pang pangunahing serbisyo ng bawat pamilyang naging biktima ng matinding kalamidad, ayon kay Sen. Francis Tolentino.
Sinabi ni Tolentino na ipatutupad na ng Department of Social Welfare and Development ang programang Liwanag, Internet, Tubig, Assistance, Welfare (LITAW).
“Ito po a hindi plano. Ito po ay hindi pangako. Ito po ay hindi isang proposal pag nanalo uli ako. Ito po ay ipapatupad na sa isang linggo,” sabi ni Tolentino sa kanyang pagsasalita na 600 solo parents sa bayang ito nitong Biyernes.
Si Tolentino ang may-akda ng “three-gives law” na nagbigay-daan sa hulugang pagbabayad ng kuryente noong panahon ng pandemya dulot ng Covid-19. Ngunit ang nasabing batas ay napaso matapos ang naturang krisis pangkalusugan.
“Kaya naisip ko ngayon, ganito kahalaga ang internet ‘pag wala kang signal napakahirap,” dagdag ng senador.
Ipinunto rin ng senador na dating alkalde ng Tagaytay ang sitwasyon na kanya umanong nasaksihan kung saan may mga pamilyang nasunugan subalit kailangan pang magbayad ng kuryente dahil pinuputulan ng serbisyo.
Gayundin ang isang 13-anyos na estudyante na kinailangang mag-load upang makapagpasa ng project subalit hindi na nakauwi.
Bukod sa sunog, dapat ding ilibre ng gobyerno ang biktima ng baha at sunog.
Ipatutupad ang programa sa pamamagitan ng guidelines ng DSWD, ayon sa kanya, at sasagutin ng gobyerno ang buong bayarin hanggang makabangon ang biktima.
Pinangunahan ni Tolentino ang pamamahagi ng tig-P2,000 na ayuda sa 600 solo parents kasama sina Mayor Nerito Santos, Jr., Vice Mayor Nerivi Santos Martinez ng first-class na bayang iyo.
Sinamahan din siya ng mga miyembro sangguniang bayan at Association of Barangay Councils.