Ang anunsyo sa social media na pumasa na sa ikatlong pagbasa sa konseho ang lifting ng liquor ban.
LUNGSOD NG MALOLOS — Ilang oras lamang matapos maipasa ng sangguniang panglungsod nitong Lunes ng hapon ang City Ordinance 24-2020 na naglalayong alisin na ang umiiral na liquor ban dahil sa community quarantine, agad na dumagsa ang ilang mga residente sa mga grocery stores para bumili ng nakalalasing na inumin.
Kasunod ng pagbili ay kanya-kanya na rin ng tumpukan at selfie ang mga liquor lover na tila nagdiriwang at muli silang nakainom ng alak matapos ang dalawang buwan ng paghihigpit.
Bagamat ayon sa mga nag-iinumang nakapanayam ng Punto! sa Barangay Bagna, inoobserbahan naman daw nila ang social distancing at may mga suot na facemask yun nga lang ay tagay-tagay pa rin sa iisang baso.
Ngunit ayon kina city councilors Noel Sacay at Atty. Dennis San Diego, hindi agad na epektibo ang lifting ng liquor ban dahil hindi pa ito pirmado ng punong ehekutibo ng lungsod.
Ayon kay Sacay, hanggang nitong Martes ng tanghali ay hindi pa pirmado ni Mayor Bebong Gatchalian ang nasabing ordinansa kayat nagbabala na maaaring makasuhan ng paglabag sa social distancing at quarantine protocols ang mga lalabag sa regulasyon ng pagbebenta at pag-inom ng mga alak.
Ipinasa nila ang lifting ng liquor ban dahil napag-alaman nila na patuloy din naman ang palihim na bentahan ng mga alak sa lungsod at mga may namamantala lamang sa presyo nito.
Nilinaw nila na hindi kasunod ng pagbawi ng liquor ban ay maari nang uminom sa mga pampublikong lugar o magsama-sama para mag-inuman dahil umiiral pa rin ang regulasyon sa pag-inom ng alak sa ilalim ng community quarantine.
Anila, batay sa regulasyon ay sa loob lamang ng bahay pinahihintulutan ang pag-inom ng alak at bawal na magsama-sama ang mga magkakapitbahay o barkadahan para mag-inuman dahil labag iyon sa quarantine protocol.