Home Headlines Linggo ng Palaspas ginunita, mga kalbaryo handa na

Linggo ng Palaspas ginunita, mga kalbaryo handa na

385
0
SHARE
Linggo ng Palaspas sa bayan ng Samal. Kuha ni Ernie Esconde

SAMAL, Bataan — Buhos ang maraming tao sa mga simbahan sa Bataan tulad sa isang parish church sa Barangay Sta. Lucia na pinagtipunan ng mga Katoliko sa bayang ito madaling- araw ng Linggo ng Palaspas.

Tulad ng nakagawian, dala ng mga mananampalataya ang mga palaspas na iwinawagayway lalo na nang binibindisyunan na ang mga ito ng butihing pari. 

Matapos ang bendisyon ay lumakad na ang mga tao papunta sa Catholic Parish of Saint Catherine of Siena Church sa kabayanan ng Samal. 

Ang paggunita sa Linggo ng Palaspas ay sinimulan naman ng mga kasapi ng Iglesia Filipina Independiente sa Barangay San Roque papunta sa Parish Church ni Sta. Catalina ng Aglipayan Church sa kabayanan din ng Samal.  

Isa sa mga “kalbaryo.” Kuha ni Ernie Esconde

Sabado pa lamang ay naglabasan na ang maraming ipinagbibiling mga palaspas na dadalhin ng mga mananampalataya sa mga simbahan lalo na ng mga Katoliko at Aglipayano upang basbasan sa Banal na Misa Linggo ng madaling araw.

Sa palengke at kahit sa mga patio ng simbahan ay inilalakoang mga palaspas sa halgang P30 bawat piraso o tatlo sa P100. 

Iwinawagayway ang mga dinisenyuhang mga dahon ng niyog sa Araw ng Palaspas bilang pagbubunyi sa “matagumpay na pagpasok ng Panginoong Hesucristo sa Jerusalem.” 

Samantala, karamihan sa mga “kalbaryo” sa mga bayan ng Samal at Abucay sa Bataan ay handa na o nasa finishing touches na para sa Semana Santa na magsisimula sa Linggo ng Palaspas. 

Ang mga kalbaryo ay itinuturing na replica ng bundok ng Calvary kung saan ipinako sa krus ang Mahal na Poong Hesucristo. Iba-ibang hugis, laki at disenyo ang mga kalbaryo na napapalamutian ng balat ng niyog, kawayan, buho, tela, at mga halaman. 

Ang kalbaryo ay sumisimbulo ng alinman sa 14 na Stations of the Cross na pinagdaanang hirap ni Hesucristo bago mamamatay sa krus.

Simula sa Lunes Santo o Linggo ng Palaspas pa lamang, gaganapin na ang pabasa ng Pasyon sa mga kalbaryo. Sa Huwebes at Biyernes Santo naman ay luluhod o magpapatirapa ang mga magpipinetensiya at uusal ng maikling panalangin o kahilingan sa harap ng bawat kalbaryong madaanan.

Magsisilbi ring Stations of the Cross ng mga street play ng Senakulo ang piling kalbaryo na ginaganap kung Miyerkules Santo o Biyernes Santo. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here