LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA) — Tampok ngayon sa Museo ng Unang Republika 1899 ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP ang isang eksibisyon tungkol sa sining ng paggawa ng puni.
Bahagi ito ng pagdiriwang ng Buwan ng Pamana at ng nalalapit na ika-125 taong anibersaryo ng proklamasyon ng kalayaan ng Pilipinas.
Sentro ng nasabing eksibisyon si Nicanora Teresa Hernandez, na kilala bilang pangunahing manlilikha ng puni sa Malolos.’
Ayon sa kurador ng museo ng NHCP na si Ruel Paguiligan, nakatatak na sa mga Bulakenyo ang kusang loob na pagbabahagi ni Hernandez sa mga bagong henerasyon ng kaalaman, kamalayan at kasanayan sa paggawa ng puni.
Bago siya pumanaw, naimbitahan siya sa loob at labas ng bansa at naitampok sa telebisyon at mga pahayagan ang pagtuturo niya sa paggawa ng puni.
Binigyang-diin din ni Paguiligan na naging instrumento si Hernandez para muling mabuhay sa kamalayan ang sining ng puni sa pamamagitan ng paggamit dito bilang dekorasyon sa iba’t ibang uri ng mga pagtitipon.
Aniya, minana ni Hernandez ang nasabing sining kay Milagros Enriquez na kinikilalang patrona ng Kalutong Bulakenyo at likhang sining ng lalawigan.
Bilang bahagi ng malawakang pagtataguyod sa sining na ito, bumuo ng iba’t ibang grupo ng mga punikera o mga kababaihang gumagawa ng puni bilang kanilang kabuhayan sa Malolos.
Bukod kay Hernandez, kasama rin sa eksibisyon ang mga likha ng mga punikera sa pangunguna ni Jonnah Garcia na isa sa mga sinanay niya. Si Garcia ang nagtatag ng Punique Handicrafts na nakabase sa barangay San Vicente sa lungsod na ito.
Nasa 20 hanggang 30 mga kababaihang taga-Malolos ang nabigyan nito ng regular na kabuhayan dahil sa paggawa ng puni.
Ang puni ay isang likhang sining ng paglulupi, pagpilipit, at paglala ng mga dahong sariwa o tuyo para makalikha ng iba’t ibang hugis o anyo ng mga bagay o gamit. Karaniwang pinagkukuhanan ng materyales nito ay ang dahon mula sa Buli.
Maihahalintulad nang bahagya ang puni ng Malolos sa origami ng Hapon. Gawa sa papel ang mga bagay na nalilikha sa origami habang sa dahon naman ng buli ang mga bagay na ginagawa bilang puni.
Samantala, patuloy na matutunghayan ang eksibisyong ‘Puni: Sinaunang Sining ng Bulacan” hanggang sa pagdiriwang ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas. (MJSC/SFV-PIA)