Ligtas sa FMD ang Bulacan

    363
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MEYCAUAYAN – Pinananabikan ng mga magbababoy at opisyal ng Bulacan ang napipintong deklarasyon na ang lalawigan at bansa ay ligtas na sa Foot and Mouth Disease (FMD) na nanalasa sa huling bahagi ng dekada 90.

    Ito ay dahil sa ang opisyal na deklarasyon na “FMD Free” ang bansa ay inaasahang magbubukas ng dagdag na oportunidad sa mga nasa industriya ng paghahayupan at pagpoproseso ng pagkain.

    Ayon kay Dr. Voltaire Basinang, hepe ng Provincial Veterinary Office (PVO), inaasahang ilalabas sa Mayo ang opisyal na deklarasyon ng World Organization for Animal Health o ang Office International des Epizooties (OIE) na “FMD Free” ang bansa.

    Ang huling insidente ng FMD sa bansa at sa lalawigan ay naitala noong 2005; at ayon kay Basinang, kailangang magpalipas ng limang taon na walang naitalang insidente ng naturang kaso upang maideklara ang bansa na ligtas.

    Sa kabila naman ng kawalan ng insidente ng FMD sa Bulacan sa nagdaang limang taon, patuloy ang maigting na kampanya ng PVO laban sa nasabing sakit.

    “Mula pa noong 2005, FMD free na tayo and hopefully ay we will be officially declared FMD free by May,” ani Mildred Saligan, ang director ng National Meat Inspection Service (NMIS) sa Gitnang Luzon.

    Sinabi pa ni Saligan na ang deklarasyon ng OIE ay magsisilbing basehan ng ibang bansa na iuurong ang pagpigil sa pagbebenta ng mga karne mula sa Pilipinas sa ibayong dagat.

    Ayon sa NMIS, karaniwang naglalabas ng import ban ang mga bansa kapag may naitalang nakakahawang sakit sa mga hayop doon tulad ng FMD.

    Inayunan ito ni Basinang na nagsabing higit na mabibigyang pagkakataon at mapalawak ang negosyo ng mga kumpanyang katulad ng Monterey na nasa ilalim ng San Miguel Corporation na kasalukuyang nagmamantine ng may 100-hectare hog breeding farm sa bayan ng San Miguel, Bulacan.

    Para naman kay Mac Dormiendo ng San Miguel Corporation, anumang oras ay nakahanda sila dahil mayroon silang matadero o katayan ng baboy na nasa kategoryang “AAA” o pwedeng magproseso ng karne para ibenta sa ibayong dagat.

    Sa kasalukuyan, sinabi ni Dormiendo na hindi sila nakakapagbenta ng sariwang karne sa ibayong dagat dahil nananatili pa ang ban sa Pilipinas hatid ng kaso ng FMD noong 2005.

    Gayunpaman, iginiit niya na patuloy ang pagbebenta ng San Miguel Corporation ng mga karneng na-proseso sa ibayong dagat sa pamamagitan ng Purefoods Corporation.

    “Processed na kasi at luto na yung karne ng Purefoods bukod sa tightly packed,” ani Dormiendo.

    Samantala, bukod naman sa mga pinoprosesong karne, ay nagbebenta rin ang Bulacan ng sariwang karne sa kalakhang Maynila.

    Batay sa pahayag ng PVO, umaabot sa 60 porsyentong pangangailangan sa sariwang karne bawat araw ng kalakhang Maynila ay nagmumula sa Bulacan.

    Bukod dito, tinatayang may halos 1-milyong baboy ang inaalagaan sa Bulacan bukod pa sa mga ibinebenta araw-araw na nagmumula sa mga commercial at backyard farms.

    Isang hamon naman sa PVO ang pagkakaroon ng may 200 commercial hog farm sa Bulacan.

    “There are 200 commercial farms in the province that we are regularly monitoring to ensure that there will be no disease outbreaks,” ani Basiang at iginiit na bawat isa sa mga nasabing babuyan ay nagsasagawa ng mahigpit na biosecurity measures.

    Batay naman sa may naunang panayam ng Mabuhay sa mga nagmamay-ari ng naglalakihang babuyan sa lalawigan, sinabi nila na natural lamang sa Bulacan ang magkaroon ng mga sakit sa hayop.

    Ito ay dahil sa dami ng bilang ng hayop tulad ng baboy na inaalagaan bukod pa sa halos magkakalapit ang mga babuyan.

    Ang pananaw na ito ay kinatigan ng International Livestock Research Institute (ILRI) sa isang artikulong inilathala ng magasing The Ecologist na nakabase sa Britanya.

    Batay sa pag-aaral ng ILRI, “increasing density of livestock production and poor bio-security in Asia is encouraging epidemics, with a new disease emerging every four months.” 


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here