Ligtas at mas mataas ang produksyon ng air-conditioned na babuyan

    480
    0
    SHARE

    GUIGUINTO, Bulacan—Sa kabila ng mainit na panahong hatid ng tag-araw, walang pangamba ang farm manager na si Louie SyTamco.

    Ito ay dahil sa nakatitiyak siya na ligtas ang kanyang mga alagang baboy at makukuha niya ang puntiryang bilang na ibebentang baboy.

    Ang 54-anyos na si SyTamco na nagmula sa bayan ng Hagonoy ay kasalukuyang tagapamahala ng Archer Farm na matatagpuan sa dalawang ektaryang lote sa Barangay Daungan ng bayang ito.

    Isang modelong babuyan na pag-aari ng pamilya ni dating Guiguinto Mayor Ambrosio Cruz, ang Archer Farm ay gumagamit ng makabagong teknolohiya sa pag-aalaga ng baboy na tinatawag na tunnel ventilation system (TVS) at kung minsan naman ay climate control system (CCS).

    Sa simpleng salita, ang TVS ay tinatawag na air-conditioned na babuyan.

    Ayon kay SyTamco, nagsimula ang Archer Farm noong 2008 gamit ang tradisyunal na sistema sa pag-aalaga ng baboy kung saan ang mga kulungan ay naka-angat sa lupa o elevated.

    Ngunit ang nasabing sistema ay nakaayon lamang sa init o lamig ng panahon kung saan ay malaki ang posibilidad na magkasakit at mamatay ang mga alaga.

    Dahil dito, minabuti ng Archer Farm na gumamit ng TVS noong 2010 at sa kasalakuyan,sinabi ni SyTamco na sa isang harvest cycle nila ay umaabot sa 3,600 ang kanilang baboy na naibebenta na may timbang na nasa pagitan ng 95 hanggang 100 kilo. Ang isang harvest cycle sa TVS ay umaabot lamang sa 75 hangang 90 araw.

    “Depende yan, kung kailangan ng San Miguel Corporation (SMC) ng mas malalaking baboy, pinaaabot namin ng 90 days, pero kung 90 hangang 100 kilo lang ang kailangan, okey na yung 75 days,” ani SyTamco na nagmula sa Barangay San Isidrong Matanda sa bayan ng Hagonoy.

    Batay sa kanyang paliwanag ang katulad na timbang ng baboy ay nakukuha rin sa tradisyunal na paraan ng pagpapalaki, ngunit iyon ay inaabot ng anim nabuwan.

    Batay sa impormasyong ipinagkaloob ni SyTamco, umaabot sa 11,520 baboy ang kanilang naibebenta sa ilalim ng TVS.

    Ito ay higit na mas mataas ng 4,320 na baboy sa tradisyonal na pamamaraang gagamitin sa kasing laki ng farm.

    Kung tradisyunal na sistema ang gagamitin sa Archer Farm, aabot lamang ng 7,200 na baboy ang maibebenta sa loob ng isang taon.

    “Umaabot kami ng 3.2 cycles sa harvest every year,” ani ng farm manager.

    Ayon kay SyTamco, bukod sa mataas na produksyon bawat taon mas mababa ang mortality rate ng baboy sa TVS at higit sa lahat,nagiging payapa ang kanilang isipan kung gabi.

    “May peace of mind kami kung gabi, hindi kami nangangamba na mainitan ang mga alaga namin dahil kontrolado ang temperatura sa loob ng kulungan,” aniya.

    Ipinaliwanag pa niya na kasama ring TVS ang paggamit ng automatic feeder at drinker sa mga baboy.

    Dahil dito, hindi na kailangang maglabas pasok ng madalas ang mga manggagawa sa loob ng kulungan na na posibleng makaapekto sa pangkalahatang biosecurity measures ng buong farm.

    Hinggil naman sa gastos sa operasyon ng farm, sinabi ni SyTamco na halos kapareho lamang ito ng kanilang gastos noong nasa ilalim pa sila ng tradisyonal na produksyon.

    Ang kanilang bentahe ngayon ay mas mataas ang kanilang produksyon at mas mababa ang mortality rate nila.

    Dahil dito, ipinayo niya sa mga nais magnegosyo na sa katulad na negosyo pumasok dahil sa kasalukuyang nananatiling mababa ang produksyon ng karne ng bansa.

    Nilinaw ni SyTamco na halos kalahating pangangailangan sa karne ng Pilipinas ay inaangkat pa sa ibayong dagat.

    “Si Mayor Boy ang nakaisip nito dahil nakita ang deficit sa meat requirement ng bansa,” ani ng farm manager at iginiit pa na bilang isang negosyante, ang dating mayor ay hindi pumasok sa negosyo kung saan ay may buhay ang produkto.

    Ito ay dahil sa malaki ang posibilidad na malugi, kaya’t ang mga unang negosyong pinasok ni Cruz ay pagtatayo ng gas station at subdibisyon, at construction.

    Ayon kay SyTamco,nais ng dating mayor na makapag-ambag sa pangkalahatang pangangailangan ng bansa kahit sa maliit na paraan.

    Ang Archer Farm ay nagsimula bilang isang showcase farm ng bayan ng Guiguinto sa panahon ng panunungkulan ni Cruz mula 1998 hanggang 2007.

    Pagdating ng 2008, binago ang showcase farm bilang isang elevated piggery hanggang maging isang air-conditioned na babuyan noong 2010 na ginastusan ng P25 milyon.

    Sa kasalukuyan umaabot sa 16 katao ang kawani ng Archer Farm at nananatili pa rin sa loob ng dalawang ektaryang loteng nasasakupan nito ang mga dating punong ng mangga, palayan at gulayan na dating bahagi ng show case farm ng bayang ito.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here