MALOLOS—Tiniyak ng mga duktor sa Bulacan na nananatiling ligtas sa pseudomonas aeruginosa bacteria ang mga pagamutan sa Bulacan.
Ito ay matapos pansamantalang isara at muling buksan noong Miyerkoles, Setyembre 21 ang Diosdado Macapagal Memorial Hospital sa Pampanga ng matuklasan na may isang pasyente ang nagtataglay ng nakamamatay na sakit na pseudomonas aeruginosa bacteria.
Ayon kay Dr. Joy Gomez, hepe ng provincial public health office ng Bulacan, walang dapat ipangamba ang mga Bulakenyo.
Ito ay dahil sa nanatiling ligtas ang mga pagamutan sa lalawigan.
Sinabi rin ni Gomez na walang naitalang kason ng katulad na impeksyon sa Bulacan dahil sa tinitiyak nilang laging malinis ang mga pasilidad ng mga pagamutan.
Inayunan naman ito ni Dr. Protacio Badjao, ang direktor ng Bulacan Medical Center na nagsabing palagian silang nagsasagawa ng paglilinis sa mga ospital.
Inamin din ni Badjao na kung minsan ay may nade-detect na pseudomonas bacteria sa mga pagamutan sa Bulacan ngunit madali nila itong nasusugpo.