CABANATUAN CITY – Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang isang 55-taong gulang na lingkod ng isang relihiyon matapos umano nitong halikan at hawakan sa dibdib ang isang 10-taong gulang na batang babae sa Cabiao, Nueva Ecija nitong nakaraang Huwebes.
Kasong acts of lasciviousness, may kaugnayan sa Republic Act 7610 o Violence Against Women and Children Act, ang isinampa ng provincial prosecutor’s office laban sa suspek na nakilalang si Efren Meña, residente ng Barangay San Fernando Sur, Cabiao.
Ayon kay Chief Insp. Eric De Venancio, hepe ng Cabiao police, mismong ang 35-anyos na ina ng biktima ang nagsampa ng reklamo. Sa imbestigasyon, naganap ang insidente bandang ala-1 ng hapon sa bahay ng kanilang kapitbahay noong nakaraang Huwebes.
Matapos na umano’y halikan sa labi at hawakan sa dibdib ay takot na nagtatakbo palabas ng bahay ang biktima at nagsumbong sa kanyang ina. Kaagad ring iniulat ang pangyayari sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Cabiao, ayon sa pulisya.
Mabilis namang naaresto ang suspek. Sa imbestigasyon ni SPO1 Orlando Francisco ay inamin umano ni Meña ang paghalik sa batang babae ngunit itinaggi nito ang paghawak sa pribadong bahagi ng katawan ng huli.