LUNGSOD NG MALOLOS — Isang lider ng mga magsasaka rito ang hindi pabor sa mga inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa State of the Nation Address nito kahapon.
Ayon kay Melencio Domingo, pangulo ng mga magsasaka sa Barangay Santor, hindi siya pabor ipasok ang mga magsasaka sa kooperatiba para mapalakas ang produksyon ng mga ito.
Ani Domingo, kaya ng indibidwal na mga magsasaka na palakasin ang kanilang mga kita ng hindi na ipapasok pa sa kooperatiba.
Ang kailangan lamang aniya ay maganda ang patubig na ibinibigay ng National Irrigation Administration at sapat ang ayuda ng gobyerno sa pagsasaka gaya ng mga pataba at binhi.
Sa katunayan, ayon pa kay Domingo, noong nakaraang taon ay mag-isa nilang napalakas ang kanilang ani dahil naging maganda ang patubig sa irigasyon.
Hindi din siya pabor na ang bio-fertilizer lang ang isusulong ng gobyerno dahil hindi naman naging maganda ang kanilang ani batay sa karanasan sa paggamit nito. Mas sanay aniya sila na gumamit ng synthetic fertilizer dahil sa subok na ito kayat ito ang dapat na ayudahan ng gobyerno.
Umaasa si Domingo sa isinusulong na paglikha ng Water Resource Management Office na hindi lamang ito nakatuon sa maiinom na tubig sa Kamaynilaa bagkus ay isama na dito ang batas na nagtatakda ng permanenteng alokasyon ng irigasyon para sa palayan ng Bulacan kahit mababa ang water level sa Angat Dam.
Gaya aniya ngayon na nabigyan lamang sila ng 15-cubic meter per second (cms) dahil sa mababang water level sa Angat Dam na dati ay 18-cms ang kanilang alokasyon.
Sana aniya ay maging malinaw sa mandato ng itatayong ahensya na hindi maaring bawasan ang kanilang alokasyon ng tubig kahit sumasayad ang reserbang tubig sa Angat Dam kapag ganitong El Nino.
Hindi din daw siya nasiyahan sa SONA ng pangulo dahil puro kooperatiba ang binanggit nito ngunit paano daw sila na mga magsasaka na may kanya-kanya nang mga samahan.
Kung kooperatiba, aniya, tiyak na dadaan pa sa buwanang patubo ang ayuda na ibibigay ng gobyerno kaya tutol sila dito.
Inasahan din niya na may babanggitin ang pangulo na amiendahan ang Rice Tariffication Law para malimitahan na ang importation at ibalik na ang pagbebenta ng National Food Authority ng bigas sa palengke.
Ngunit, ani Domingo, walang binanggit ang Pangulo para sa RTL na pangunahing problema nilang mga magsasaka.
Kung nais kasi aniya ni Marcos Jr. na sawatahin ang rice smuggling ay dapat na baguhin ang importation sa ilalim ng RTL para hindi nakapagdidikta ng presyo ng bigas ang mga rice hoarders.
Kung nasa palengke kasi aniya ang NFA rice ay hindi makakaalagwa ang mga miller sa mataas na presyo ng bigas dahil may pagpipilian ang tao ng mas mababang presyo nito sa merkado.