LUNGSOD NG CABANATUAN — Mahigit sa 800 mag-aaral mula kindergarten
hanggang kolehiyo ang napagkalooban ng suportang pang-edukasyon ng isang
barangay sa lungsod na ito nitong Biyernes, ilang araw bago ang pormal na
pagsisimula ng pasukan.
Pinangunahan ni punong barangay Christopher Lee ng Barangay Pagas ang
pamamahagi ng school uniform, bag, at iba pang school supplies sa 420 na mag-
aaral mula kindergarten hanggang Grade 6 ng Pagas Elementary School, at tig-
P1,000 na financial assistance sa 404 na estudyante sa high school, senior high
school, at kolehiyo.
May 60 na piling college students naman ang nabigyan ng Lenovo tablet para sa
blended learning.
Ayon kay Lee, ang uniporme at school supplies ng kinder hanggang Grade 6 ay
pinondohan ng sangguniang kabataan samantalang pinagbilhan ng mga “kalakal”
o plastic at iba pang recyclable materials na nalikom ng barangay ang ginamit para
sa financial assistance.
Produkto ito ng kanilang clean and clean program kung saan mahigpit na
ipinatutupad ang waste segregation mula sa sambahayan. Sa ilalim nito, ang mga
residual waste ay hinahakot ng city government subalit lahat ng recyclable
materials ay dinadala sa MRF o material recovery facility ng barangay.
“Ang edukasyon ang isa sa mga talagang pagtutunan ng pansin dahil kailangan
bata pa lang ay ihubog na natin doon sa tama at magandang pag-aaral kaya po ito
yung isa sa mga prayoridad namin at mabigyan sila ng direktang tulong mula sa
barangay,” ani Lee.
Inilarawan ni Nimrod Mateo, Master Teacher 1, ang programa bilang
“napakamakabuluhan at napakaganda, at napakalaking tulong sa mga magulang
at kabataan” dahil bilang gurp ay nasasaksihan niya ang sitwasyon ng ilang
pamilya ng mag-aaral kapag sumasapit ang pasukan.
“Usually po ‘yung mga medyo kapos na pamilya ay talagang iniraraos o
ipinangungutang pa yung pang-eskwela at uniform ng bata kapag magpapasukan
na,” sabi ni Mateo.
Si Mateo at iba pang guro ng ay kasama ng mga miyembro ng sangguniang
barangay at mga workers sa pamamahagi ng kagamitan upang masiguro ang
kaayusan at pagpapatupad ng health protocols.