Ilan sa mga magsasaka ng Barangay Sta. Lucia, Samal, na nakakuha ng libreng binhing palay. Kuha ni Ernie Esconde
SAMAL, Bataan — Nagsimula nang mamahagi Lunes ng libreng binhing palay ang Department of Agriculture sa bayang ito upang magamit sa pagpupunla sa panag-ulang taniman na nag-uumpisa na.
Ayon kay Lydia Banal, agricultural technologist, ang ipinamamahaging binhi ay certified palay seeds na ang bawat magsasakang may sinasakang hindi lalampas sa dalawang ektarya ay nakakatanggap ng apat na supot na na may timbang na 20 kilos bawat isa.
Ang mga magsasaka naman, aniya, na may dalawang ektarya pataas ay binibigyan ng walong bag na tig-20 kilos din.
Ang programa umano ay sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ng agriculture department.
Sinabi ni Banal na layunin ng programa na matulungan ang mga magsasaka ng palay. Bukod, aniya, sa libreng binhing palay, may offer pa rin na libreng pataba sa sistemang “buy one, take one” o “buy 2, take 2” depende sa laki ng lupang sinasaka.
Ang may binubungkal na lupang 1,000 metro kuwadrado ay may libreng isang supot ng patabang urea matapos siyang bumili ng isang supot, ang nagsasaka ng 0.75 to 1.25 hectares ay “buy 2, take 2” at ang mas malaki pang sukat ng lupa ay “buy 4, take 4” naman.
Ipinaliwanag ni Banal na isang beses lang makakakuha ng libreng pataba: “Minsan lang ito. Hindi dahil tatlong beses magsasabog ng pataba ay tatlong beses din makakakuha ng libre. Minsan lang.”
Ang kailangan lang daw ay resibo ng biniling pataba upang makakuha ng libreng urea.
Ayon kay Banal, ang bawat barangay ay may tinatawag na Registry System for Basic Sector in Agriculture kung saan nakalista ang lahat ng tumatanggap ng libreng binhing palay.
Hinimok niya ang mga magsasaka na mamili na ng pataba upang maisaayos ang masterlist nitong tag-ulan at makuha ang bahaging libreng pataba.
Sinabi ni municipal agriculture officer Nora Medina na may 859 magsasaka ng palay sa Samal na gusto niyang mapasama sa programang RCEF.
Napag-alaman na nagsimula na ring mamahagi ng binhing palay sa ibang mga bayan ng Bataan.
Kamakailan, nagbigay ang DA sa pamamagitan ng Land Bank of the Philippines ng P5,000 cash bawat isa sa 419 magsasaka ng palay sa Samal.