Libong trabaho lilikhain ng P10-B Korean investment sa Bulacan

    602
    0
    SHARE

    MALOLOS CITY—Inaasahang lilikha ng libo-libong trabaho ang P10-bilyong investment na ibubuhos ng mga Koreanong negosyante sa Bulacan sa mga susunod na buwan.

    Ito ay kaugnay ng pakikipag- ugnayan ni Mayor Enrico Roque ng Pandi sa mga negosyanteng Koreano kamakailan.

    Ang nasabing investment ay bukod pa sa naunang halos P20 bilyon o mahigit sa $440-milyong puhunang ginamit ng Korea Water Resources Corporation (K-Water) upang mapagwagian ang bidding para sa pagsasapribado ng Angat River Hydro Electric Power Plant (ARHEPP) sa Norzagaray, Bulacan noong nakaraang taon.

    Bilang pangulo ng Liga ng mga Alkalde sa Bulacan, sinabi ni Roque na hindi bababa sa P10 bilyon ang puhunang ibubuhos ng mga Koreano sa mga itatayong negosyo sa ibat-ibang bayan ng lalawigan.

    Ayon pa kay Roque nakatakdang simulan sa lalong madaling panahon ang pagtatayo ng mga naglalakihang negosyo sa Bulacan partikular na sa mga bayang walang kapasidad o kulang sa pondong pinansyal upang makapagpatayo ng sentro ng komersyo gaya ng mga pamilihang bayan.

    Kabilang sa mga negosyong nakatakdang ipatayo ng mga negosyanteng Koreano ay mga commercial complex at supermarkets kagaya ng Savemore, Puregold, drugstores tulad ng Mercury Drug, mga bigtime na food chains gaya ng Jollibee at McDonalds, at mga pribadong pamilihan para sa mga bayang wala pang pamilihang bayan.

    Bukod dito ay plano rin magtayo sa may 15 ektaryang lupain sa Bulacan ng mga Koreano ng kauna-unahang outlet store sa bansa kung saan makikita rito ang aabot sa 400 na kilalang imported brands mula sa ibat ibang bansa gaya ng Prada, Coach, Ferragamo, at Tods.

    “Tiyak na mag-ge-generate ito ng libo-libong job opportunities sa ating mga kalalawigan,” ani Roque. Binigyang diin niya na isa sa nakitang bentahe ng mga Koreano sa Bulacan ay ang istratehikong lokasyon nito sa pagitan ng dalawang international airport—ang Ninoy Aquino International Airport sa Kalakhang Maynila at ang Clark International Airport sa Lungsod ng Angeles sa Pampanga.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here