SAPOL ipag-utos ng ating gobyerno
ang tigil bitay sa mga nasa death row
kapansin-pansin ang paglobo ng husto
ng crime rate ng halos sitenta porsyento.
Bigla ang pagsirit ng kriminalidad
sa lahat halos ng malalaking siyudad,
Kung kaya pati sa Simbahan, Mall at Park
o mataong lugar ay di na rin ligtas.
Nagkalat na ngayon ang mga holdaper
maging sa loob man ng ating expressway
kaya’t hindi na rin ligtas sa commuter
ang sumakay ng bus, taxi o kaya tren.
Kumpara sa dati, mas dumami ngayon
ang rape cases kaysa nangagdaang taon,
dala marahil ng di na takot ngayon
ang mga kriminal sa lethal injection
Pagkat magmula nang ang parusang bitay
ay ipatigil ni Gloria Macapagal,
biglang lumakas ang loob ng kriminal,
kasi nga naman ang parusa’y kulong lang.
At kung pagkapiit lang ang bubunuhin
nitong kahit na ang hatol ay ‘life sentence,’
sa akala kaya nati’y mangingiming
pumatay ang mga lintik na salarin?
Lalo pa’t sa ilang halang ang kaluluwa
na ang pagpasok sa Munti ay bisyo na,
Yan sampung ‘life’ man hatol sa kanila
ay mayrun pa nga bang sukat ipangamba?
Partikular na sa maraming preso riyang
Alipores ng may mga katungkulan,
Kung ang parusa ay pagkakulong lamang
ay napakadali nilang “matakasan”.
Kasi nga ilan mang ‘life sentence’ ang hatol
ay bale wala lang sa ibang inmates ngayon
na may kasangga riyan sa Bureau of Prisons
at sinasandalan na bigating “Ninong”.
Kaya’t kung tulad niyang ang parusang bitay
ay suspendido pa’t wala pang go signal,
aa buhaying muli ay pagpipistahan
nitong nasa loob na di naisalang.
At ‘yang nasa laya nama’y tuloy pa rin
sa di makatao’t masamang gawain,
ay mangingimi pa nga kayang kumitil
ng buhay ng kapuwa o bibiktimahin?
Sa ganang amin ay mas makabubuting
ang parusang bitay ay ibalik natin,
‘now that most heinous crime’ ay patuloy pa ring
lumolobo at di na halos mapigil.
Dito lang mismo sa atin sa Pampanga
may mga ‘rape cases’ na ang itong biktima
ay pinatay nito matapos gawan niya
ng makahayop na pananamantala.
Lumalaon, unti-unting tumataas
sa lahat ng dako ang kriminalidad
bunsod nitong pagkawala riyan ng ganap
ng parusang bitay – na siyang tanging lunas
Upang itong krimen na ngayo’y palala
ay di man tuluyang ganap na mawala,
Yan kahit papano ay medyo bumaba
kapag ang bitay ay ibinalik kusa.
At kung hindi rin lang natin maipatupad
eh bakit pa tayo nagpasa ng batas
na lethal injection manding matatawag,
Pero nagsilbi lang ding ‘panakot uwak’?
Aba’y mainam pang yan ay iporkilo
na lamang po nating ibenta siguro,
Kaysa kalawangin lamang yan ng husto
diyan sa National Bilibid, pare ko!