LUBHANG kailangan nang ibalik marahil
ang parusang bitay na siyang bukod tanging
sa kriminalidad ay makasusupil
kundi man ito ang ganap makapigil
Pagkat kung di tayo gagawa ng hakbang
upang kahit papano ay maagapan
ang paglala nito sa kapaligiran,
ay saan pa tayo ligtas manirahan?
Kung pati loob ng simbahan di na rin
ligtas sa pusakal na mga salarin,
Dala nitong sila’y wala nang pangiming
nakawin pati na di dapat galawin
Sanhi na rin nitong kapagka’ bangag na
ang kahit sino r’yang lulong na sa droga,
Ya’y wala ng kabutihang matitira
kundi ng sarili niyang ikasisiya.
Lalo’t napasukan ng utak demonyo,
gagawa ng bagay na sadyang di wasto;
Kasama pati na pagpatay ng tao
makaraos lang sa gawang makamundo
Tulad na lang nitong nagiging biktima
ng panggagahasa, kidnapping at saka
iba pang ‘heinous crime,’ kailan mabubura
kung ang gobyerno ay kampante sa tuwina?
At walang pagkilos na sadyang marapat
upang mabigyan ng epektibong lunas?
Hangga’t itong ating mga otoridad
ay di gumawa ng aksyong nararapat
Para ang parusang bitay ay buhayin
o ibalik muli upang ya’y magsilbing
babala sa mga kampon ni Sataning,
di matatahimk ang paligid natin
At manatiling di ligtas ang bayan,
partikular na ang mga kabataan
sa lalong matindi pang kapahamakan
kung di kikilos ang kinauukulan
Laban sa illegal drugs at ibang bisyo
na ngayo’y kalat na halos buong mundo,
At siyang mitsa pati kung bakit ang tao
ay patuloy sa paggawa ng di wasto
At kung saan kahit simpleng bagay lamang
ay humahantong yan sa karumaldumal
na pagpatay dala ng naturang bagay,
na kinakailangan na nating tuldukan.
At ipairal na ang kamay na bakal
sa pamamagitan ng parusang bitay,
Na siyang natatanging mabisang paraan
upang ang krimen ay lumiit ang bilang.
Ilang biktima ng ‘rape’ ang sunod-sunod
na pinaslang nitong linggong magkasunod,
Itong kung saan ay mga batang musmos
ang nasawi bunsod ng “tulak” na gamot
Na posibleng ikinarga ng salarin
da hinitit nilang pausok marahil,
Kung kaya nang sila’y ganap ng malasing
naisip ang bagay na di dapat gawin?
Tulad na lang nitong pulis na namaril
nang dahil lamang sa hindi nakasingil
ng kanyang pautang, yan ba ay gawain
ng matinong tao at pulis pa mandin?
Kasi nga, dala ng kawalan ng takot
ng mga yan sa ‘ting tagapagpasunod
sa batas ay anong posibleng idulot
kundi ng immoral at gawang baluktot?
Sa puntong naturan, ang tanging solusyon
ay ibalik natin ang ‘Lethal Injection,’
Pagkat sa ‘life sentence’ lang na pagkakulong,
ay marami na ang hindi takot ngayon!