Ang mga pasyenteng may leptospirosis na nagsisiksikan sa dami sa James L Gordon Memorial Hospital.
KUHA NI JOHNNY R. REBLANDO
OLONGAPO CITY–Walo na ang namamatay, samantalang mahigit sa 300 katao ang ginagamot sa James L. Gordon Memorial Hospital sa pagkalat ng epidemya ng leptospirosis mula pa noong Sabado ng hapon magpahanggang Huwebes.
Anim mula Olongapo City, isa sa Subic at isa pa sa Dinalupihan, Bataan ang iniulat nang namatay.
Pinangangambahang dadami pa ang bilang ng mga mamamatay kapag hindi kaagad ito nabigyan ng kaukulang lunas sa hospital dahil sa dami ng pasyente ng leptospirosis.
Maging ang pasilyo, conferencs room ng hospital ay nilagyan na ng folding bed para dun mamalagi ang mga pasyente. Tuloy-tuloy naman ang pagdagsa ng pasyente mula sa Subic, Zambales at Olongapo.
Ito ang kinumpirma ni Hospital Administrator Dr. Jesse Lewel Manuel. Isa sa pinakamatinding tinamaan ng pagbaha na lagpas hanggang tao ay ang Barangay Sta Rita na karamihan ay pawang kalalakihan na nasa edad 30 hanggang 50-anyos ang tinamaan ng leptospirosis.
Biktima rin ng sakit ang ang pamilya ni Ronald Rondez ng Barangay Ilwas, Subic, Zambales.
“Una ang suspek nila sa aking nanay at kapatid ay dengue, pero nung dinala namin dito sa emergency, ginawa yung mga lab test, leptospirosis na pala. Galing pa kami ng Subic, pero nung dumating kami dito, dagsaan na ang mga pasyente,” sabi ni Rondez.
Nagsagawa naman ng pag-iikot sa mga pasyente si Dr. Manuel para alamin ang mga iba pang pangangailangan ng mga pasyente at kanya nang pinaalerto ang pharmacy, laboratory at dialysis machine na maaring gamitin ng mga pasyente.
Inalerto na rin ni dating Sen. Richard Gordon ang Philippine National Red Cross para tumulong sa mga biktima ng leptospirosis at nagbigay na ito ng karagdagang mga folding bed at bed sheet at iba pang pangangailangan na siyang gagamitin ng mga pasyente.
Panawagan ni Dr. Manuel sa mga tao na kapag may naramdaman nang pananakit sa katawan o di kaya’y nilalagnat ay matungo kaagad sa pinakamalapit na health center o di kaya ay sa James Gordon Memorial Hospital para mabigyan kaagad ng kaukulang lunas.