LEGAL DAW
    Capitol consultants idinepensa

    395
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS—Ipinagtanggol ni Gob. Wilhelmino Alvarado at iba pang opisyal ang pagkakaroon ng maraming consultant o tagapayo sa Kapitolyo sa pagsasabing wala silang nilalabag na batas.

    Ito ay matapos kumpirmahin nina Alvarado at Bise Gob. Daniel Fernando na umaabot sa 72 ang consultant sa Kapitolyo na sumusuweldo ng P10,000 hanggang P35,000 bawat buwan.

    Kaugnay nito, kinumpirma din nina Alvarado at Fernando na walang paring Katoliko na nagsisilbing consultant sa Kapitolyo katulad ng pahayag ng Diyosesis ng Malolos.

    Ang usapin hinggil sa maraming consultant na pinasusuweldo ng Kapitolyo ay nag-ugat sa mga ulat na lumabas sa mga pang-araw-araw na pahayagan noong Miyerkoles, Hulyo 10 na may titulong “In Bulacan, bishops and priests paid honoraria as consultants.”

    Ang nasabing ulat ay mula sa opisyal na ulat na inilabas ng Commission on Audit (COA) na ang sipi ay mababasa sa website ng nasabing ahensiya.

    “Walang ilegal sa pagha-hire ng mga consultant, wala kaming nilalabag na batas,”ani Alvarado sa panayam sa telepono noong umaga ng Biyernes.

    Nilinaw niya na walang batas ang nagbabawal sa pagkakaroon ng mga consultant, sa halip ay nakasaad ito sa Local  Government Code.

    Sa pahayag ng goberndor, kinumpirma niya na 72 ang consultant ng Kapitolyo, katulad ng iniulat ng COA.

    Inamin din niya na 52 sa mga ito ay nagsisilbing consultant niya at ang 20 ay kay Bise Gob. Fernando at sangguniang panlalawigan.

    Ayon sa punong lalawigan, 27 sa kanyang consultant ay kanyang pinili dahil sa technical na kakayahan, samantalang ang 25 ay dahil sa kanilang propesyunal na kakayahan at karanasan.

    Iginiit niya na walang batas na nagbabawal sa bilang ng kukuning consultant.

    Ngunit ipinahayag niya na ang bilang ay dapat akma sa pondong nakahanda.

    Inayunan din ito ni Fernando  at nina Bokal Michale Fermin at Enrique Dela Cruz.

    Ayon kay Fernando, mahalaga ang pagkakaroon ng mga tagapayo sa pananaw na “two heads are better than one.”

    Isa sa kanyang tinukoy na consultant ng sangguniang panlalawigan ay si dating Bise Gob. Aurelio Plamenco na tumatanggap ng sweldong P30,000 bawat buwan.

    Batay naman sa pahayag nina Fermin at Dela Cruz, ipinaliwanag nila n ang mga consultant ay mga kontraktuwal at hindi nabibilang sa mga empleyado ng Kapitolyo. Dahil dito, hindi raw nasasakop ng civil service regulations ang mga consultant.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here