Home Headlines LCP President: Unang Republika, itinuturo kung papaano pamunuan ang Pilipinas

LCP President: Unang Republika, itinuturo kung papaano pamunuan ang Pilipinas

408
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Makatwiran na mapag-aralan ng lahat ng mga lingkod-bayan ang diwa ng Unang Republika ng Pilipinas, upang mas matutunan kung papaano pangasiwaan ang bansa.

Iyan ang inilahad ni League of Cities of the Philippines President at San Juan City Mayor Francisco Javier Zamora nang pangunahan niya ang programang pang-alaala bilang pagdiriwang sa Ika-127 Taong Anibersaryo ng Pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas sa simbahan ng Barasoain sa lungsod ng Malolos.

Dito itinatag ang republika noong Enero 23, 1899 na nagpasimula sa lakbayin ng pagsasabansa ng Pilipinas.

Ito ay sa bisa ng Saligang Batas ng 1899 na ibinalangkas at pinagtibay ng Kongreso ng Malolos na nagsesyon sa Barasoain mula Setyembre 15, 1898 hanggang Enero 21, 1899.

Ipinaliwanag ni Zamora na itinuturo ng Unang Republika kung papaano dapat pangasiwaan ang Pilipinas na may malasakit, integridad at pananagutan.

Hindi lamang aniya simpleng pagtatatag ng bansa ang pagkakaroon ng Republika. Naging pagkakataon ito sa mga Pilipino mismo upang pamahalaan ang lupang tinubuan.

Sa pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas, naipakilala sa mga Pilipino ang sistemang ito na may tatlong sangay na ehekutibo, lehislatura at hudikatura.

Nasa ilalim ng sangay ehekutibo ang pangulo ng bansa na noo’y si Emilio Aguinaldo na naghimpil sa Katedral ng Malolos bilang Palacio Presidencial.

Ang lehislatura ay ang Kongreso ng Malolos kung saan ginawang session hall ang simbahan ng Barasoain. Sa kumbento naman nito matatagpuan ang sangay hudikatura.

Dahil dito, naging kabisera ng bansa ang Malolos kung saan nagsilbing tanggapan ng mga ahensiya ng pamahalaan ang mga pangunahing bahay dito.

Pinangunahan ni League of Cities of the Philippines President at San Juan City Mayor Francisco Javier Zamora ang programang pang-alaala bilang pagdiriwang sa Ika-127 Taong Anibersaryo ng Pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas sa simbahan ng Barasoain sa lungsod ng Malolos. Sentro ng kanyang mensahe na dapat mapag-aralan ng lahat ng mga lingkod-bayan ang diwa ng Unang Republika ng Pilipinas upang mas matutunan kung papaano pamunuan ang Pilipinas. (NHCP)

Kabilang sa mga ahensiya na unang naitatag ang Departamento de Exterior na pinag-ugatan ng Department of Foreign Affairs na pinamunuan ni Apolinario Mabini na naging punong ministro rin ng Pilipinas.

Nandito rin sa Malolos ang naging unang tanggapan ng Departamento de Guerra na ngayo’y magkahiwalay nang mga ahensiya na Department of Transportation at Department of Public Works and Highways.

Gayundin ang Departamento de Interyor na ngayo’y Department of Interior and Local Government, Departamento de Agraryo na ngayo’y Department of Agrarian Reform , at ang Departamento de Fomento na ngayon ay magkakahiwalay nang mga ahensiya para sa agrikultura, edukasyon at sa kalakalan at industriya. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here