Layunin ng demokrasya

    1485
    0
    SHARE

    Mga kabalen, naganap na ang unang pagpapatalsik sa isang punong mahistrado sa ating gobyerno.

    Naging masaklap ito para sa kinauukulan, ngunit sa totoo lang, bahagi ito ng mga layunin ng isang demokrasya.

    At bagamat sarado na ang usapin sa naturang impeachment, binuksan naman nito ang maraming oportunidad para sa pagbabago sa ating sistemang pampamahalaan.

    Napatunayan din na kaya nating gawin ang patas na hustisya sa bansa at parurusahan kung napatunayang nagkasala ‘di lamang ang mga mahirap at mahina, kundi maging mayaman at makapangyarihan.

    Naging bukas ang paglilitis sa mamamayan. Isang patunay ito ng “transparency.”

    Mayaman at mahirap malayang natunghayan kung paano ang inakusahang punong mahistrado ay napatunayang lumabag sa itinakda ng Konstitusyon, bunsod nang hindi pagdeklara ng wastong Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN.

    Tila dumaan din sa pag-aaral ang buong bansa sa loob ng limang buwan na umusad ang paglilitis.

    Kabilang na sa mga naturuan ng leksiyon kontra katiwalian ang mga empleyado at opisyal ng gobyerno — mula sa pamunuan, sa mga rehiyon, lalawigan, bayan, at barangay. Inaasahan ngayon na gagamitin natin ang mga natutunang leksiyon para sa ikabubuti ng ating kinabukasan bilang bansa.

    Opo, maigting ngayon ang panawagan sa pagdeklara ng wastong SALN. Ito ay tungo sa paglaganap ng “transparency” sa gobyerno at patunay ng pagkontra sa katiwalian at korupsiyon sa serbisyo.

    Matunog din ang panawagan sa paghirang ng isang bagong punong mahistrado na bukod sa angking ekspiryensiya at kahusayan sa batas at paglilitis, dapat ay malaya din sa anumang impluwensiya mula sa ehekutibo, lehislatura, o maging sa alin mang mayaman o makapangyarihang sektor sa lipunan – o maging kanino man.

    Ayaw na ng sambayanan sa mga opisyal na madaling bumigay sa tukso ng yaman at kapangyarihan.

    Ang hangad natin ay yaong mga mananatiling tapat sa sinumpaang tungkulin.

    Mahirap nang umasa muli sa mga opisyal – halal man o naatasan — na nakaliligtaan ang interes ng sambayanan dahil sa pagtanaw ng utang ng loob… o dahil sa pulitika. Ito ay isang nang uri ng korupsiyon!

    Kung ang pamunuan sa isang sangay ng gobyerno ay hindi malayang makapag-dedesisyon nang ayon sa inaasahang kahusayan at sa sinumpaang tungkulin, hindi magiging ganap ang demokrasya.

    Malinaw na ang naganap na paglilitis ng punong mahistrado ay bahagi ng “check and balance,” ang puso ng isang demokrasya, kung saan walang puwang ang pag-abuso sa kapangyarihan.

    Layunin din ng demokrasya ang puksain ang anumang balakid sa hustisya at karapatang pantao, alinsunod sa Saligang Batas.

    Ang kaakibat na kapangyarihan sa pagganap sa tungkulin ay maaari lamang gamitin sa maayos, patas, at malinis na serbisyo dahil ito ay mula sa tiwalang ipinagkaloob ng taumbayan. “Public service is public trust.”

    Kaya ang pag-abuso sa kapangyarihan ay pagtataksil sa sambayanan at paglabag na rin sa itinakda sa Konstitusyon.

    Nais ng taumbayan na magkaroon ng bagong pinuno ng hudikatura na magiging tapat sa susumpaang tungkulin, maliban sa inaasahan ding kahusayang pang-administratibo — na makapagpaparamdam sa taumbayan na umuusad na ang patas na hustisya.

    Kasabay nito ang pag-asang makahuhulapos na ang ilan sa ating mga korte sa tanikala ng korupsiyon at impluwensiya ng ilang  mga makapangyarihang personalidad o grupo sa mga lokal, siyudad, o lalawigan.

    Sana’y maitanim ang mga aral ng natunghayang paglilitis maging sa ating mga indibidwal na kaisipan – hanggang sa pagpili natin ng mga susunod na lider sa mga darating pang halalan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here