
Bago ang Agosto 15, 2006, maraming Bulakenyo noon ang nakakaalam na ang petsang Marso 10, 1917 ay ang Bulacan Day o araw ng pagkakatatag ng Bulacan bilang lalawigan.
Ngunit dahil sa alinlangan na ‘napakabata pa ng Bulacan’ kung iyon ang petsa ng pagkakatatag, lumiham ang noo’y Gobernador Josie Dela Cruz kay noo’y Direktor Reynaldo S. Naguit ng Bahay Saliksikan ng Bulacan o Center for Bulacan Studies (CBS) ng Bulacan State University (BulSU), upang saliksikin kung kailan ba talaga naitatag ang Bulacan.
Lumabas sa pananaliksik mula taong 2004 hanggang 2006 na ang petsang Marso 10, 1917 ay reorganisasyon lamang ng lalawigan ng Bulacan para sa rehistrasyon sa United States Philippine Commission. Sa madaling salita, pagrepaso lamang ito sa mga hangganan ng mga bayan, kaya’t hindi ito ang pagkakatatag ng Bulacan bilang isang lalawigan.

Naugat ng CBS na base sa tradisyon noon ng mga Kastila, nauunang itatag ang mga pueblo o bayan at ang kabisera nito na noon ay ang Bulakan. Ang pagtatatag ng isang kabisera ay isinasabay naman nila kung kailan ang kapistahan ng patron o patrona ng nasabing lugar.
Sa Bulakan, ang kapistahan ng patrona nitong Nuestra Senyora De La Asuncion ay tuwing Agosto 15, kaya’t itinatag ang pueblo ng Bulakan noong Agosto 15, 1572. Makalipas ng ilang taon ng pagpapalawig sa mga pueblo, pormal nang itinatag ng mga Kastila ang Bulacan bilang isang lalawigan noong Agosto 15, 1578. Isinunod din sa petsa kung kalian naitatag ang kabisera nito.
Ayon pa kay Naguit, ang pangalan ng lalawigan ay isinusunod din sa pangalan ng kabisera kaya’t tinatawag na Bulacan. Kitang kita rin ang sistemang ito sa ibang mga lalawigan gaya ng Tarlac, Tarlac; Cavite City, Cavite; Sorsogon, Sorsogon, Roxas City na dating Capiz, Capiz, Cebu City, Cebu at Davao City, Davao.
Kabisera ng Bulacan ang pueblo ng Bulakan hanggang sa mailipat sa Malolos noong panahon na ng Unang Republika ng Pilipinas.
Maraming bersiyon ang pananaliksik ang lumabas. Ang sinaliksik ng CBS sa pamamagitan ni Dr. Naguit ang kinilala at pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan, matapos iendorso ng Lupon sa Sining, Kultura, Turismo at Tanging Pagdiriwang na noo’y pinangunguluhan ni Bokal Daniel R. Fernando na ngayo’y gobernador ng lalawigan.
Bilang tuluyang pagkilala sa petsang Agosto 15, 1578 na tunay na araw ng Pagkakatatag ng Bulacan, inakda at naipapasa ni Bokal Fernando sa Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan ang rebisyon ng Provincial Administrative Code. Mula noon, naging modelo ng isang pagtutuwid sa kasaysayan na hindi maikukubli sa pagdaan ng panahon.
Sa kasalukuyang panahon na nasa Ika-447 taon na ang Bulacan, ipinahayag naman ni National Historical Commission of the Philippines Executive Director Carminda Arevallo na hindi lamang pinagganapan ng pinakamahahalagang yugto ng pambansang kasaysayan ang Bulacan. Patuloy aniya itong sumusulat at susulat pa ng kasaysayan para panatilihing nasa hanay ng mga nangunguna at modelong lalawigan ang Bulacan.
Samantala, binigyang diin ni Naguit na bukod sa pagtutuwid sa petsa ng pagkakatatag, makatwiran aniya na makita, malaman at mas maunawaan pa ng mga Bulakenyo na ito ay tungkol sa pagkakakilanlan bilang isang lalawigan, kung saan dapat magdulot ng pagbubuo at kaginhawahan ng bayan. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)