Home Headlines Lapid Arena: Pasilidad para sa bayan, o monumento para sa kapangyarihan?

Lapid Arena: Pasilidad para sa bayan, o monumento para sa kapangyarihan?

124
0
SHARE

ITO AY isang katanungan sa mga kasapi sa sangguniang panlungsod ng Angeles.
Sa isang lungsod na mayaman sa kasaysayan at mga pamanang dapat pahalagahan, ang pagpapangalan ng mga pampublikong pasilidad ay hindi basta seremonyang pampapogi.
Ito ay deklarasyon kung sino ang ating kinikilalang ehemplo ng serbisyo at kabutihang panlipunan. Kaya naman nang itanghal ang Lapid Arena sa Barangay Pampang, Angeles City, marami ang napaikot ang ulo, napaangat ang kilay, at napatanong: Sino ba talaga ang pinararangalan natin?
Ayon sa resolusyong inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Lungsod ng Angeles ang arena ay ipinangalan kay Jose Songco Lapid, ama ni Senador Lito Lapid.
Sa unang tingin, tila isang simpleng pag-alala sa isang padre de pamilya. Ngunit sa mas malalim na pananaw, may malaking puwang sa batayan ng “pagkilala.”
Walang matibay na tala ng pambihirang serbisyo ni Jose Songco Lapid sa Angeles na maaaring magpatibay sa isang pampublikong pasilidad na nagtataglay ng malaking kahalagahang simboliko para sa komunidad
Kung ikukumpara sa mga haligi ng lungsod— Don Angel Pantaleon de Miranda, Agapito del Rosario, Emiliano J. Valdez, Juan D. Nepomuceno, Rafael Lazatin, Francisco Gopez Nepomuceno, Dr. Jose Pelayo, Atty. Jose Suarez, at iba pang anak ng Angeles na nag-ambag sa kasaysayan at kaunlaran—malinaw kung sino ang tunay na dapat parangalan at itanghal.
Ngunit sa kaso ng Lapid Arena, ang bigat ng pangalan ay tila higit na nakasandal sa impluwensiya ng anak na senador kaysa sa merito ng ama. At kung ganito ang naging basehan, hindi ba’t ito mismo ang problema?
Intelektuwal na Korapsyon: Tahimik Pero Mapanganib
Marapat na kilalanin ang mga naglilingkod sa bayan, kabilang na si Senador Lito Lapid. Ngunit ang pagkilala ay hindi dapat gamitin bilang palusot upang balewalain ang tamang proseso, batas, o mas matibay na prinsipyo ng karapat-dapat na parangal.
Dito pumapasok ang konsepto ng “intellectual corruption.” Ito ang uri ng katiwaliang hindi tumatagas sa COA Report, hindi lumalabas sa audit trail, ngunit malinaw na nararamdaman ng mamamayan.
Ito ang:
-paglikha ng maling naratibo sa pamamagitan ng pampublikong pasilidad;
-pagbaluktot sa pamantayan ng pagkilala; at
-pag-angkin ng politikal na kredito gamit ang pangalan ng isang taong hindi naman dokumentadong naglingkod sa lungsod.
Kapag pinaikli pa ang pangalan sa “Lapid Arena,” hindi ba malinaw na maaari itong magdulot ng impresyong ang pasilidad ay ipinangalan sa senador mismo?
Ito ang tinatawag nating “moral ambiguity”—isang uri ng pampublikong panlilinlang na hindi kailangang may kasamang pera upang mapabilang sa malawak na konsepto ng korapsyon.
Pondo ng Bayan, Pangalan ng Pamilya
Ang arena ay itinayo sa pamamagitan ng pondo ng taong bayan. Kaya’t lalong nagiging mabigat ang tanong: Paano naging makatarungan na ang perang mula sa publiko o pera ng taong bayan ay mauuwi sa pasilidad na tila nakalaan para sa politikal na pamana ng isang pamilya?
Hindi ito simpleng usapin ng legalidad. Ito ay usapin ng etika, transparency, at public accountability.
Ayon sa Local Government Code, ang pagpapangalan sa mga pasilidad ay dapat nakabatay sa tunay at makabuluhang kontribusyon. Kung hindi, nagiging instrumento ang mga pampublikong istruktura para sa political branding—isang anyo ng pag-abuso sa kapangyarihan na hindi dapat maging normal.
Hindi Problema ang Ama—Problema ang Paraan
Mahalagang linawin: wala sa usaping ito ang paglapastangan sa alaala ni Jose Songco Lapid. Hindi siya ang problema. Ang problema ay ang paraan ng paggamit sa kanyang pangalan—kung paano ito nagamit upang magbigay ng impresyon ng karangalan na hindi kaakibat ng aktwal na ambag, habang pinapakinabangan naman ng anak na nasa kapangyarihan.
At sa harap ng lahat ng ito, nararapat lamang itanong ng taong bayan:
Totoo ba itong pagkilala—o isa lamang itong pagtatakip sa intensyon politikal?
Ang Angeles ay tahanan ng maraming mga tunay na bayani. Mga taong hindi kailangan ng malaking arena upang kilalanin, dahil ang kanilang kontribusyon ay nakaukit na sa kasaysayan.
Kung nais nating mapanatiling sagisag ng integridad at makatarungang pagkilala ang ating lungsod,
— panahon na upang suriin muli ang proseso,
— ituwid at iwasto ang kwento at batayan ng parangal,
— ibalik sa mamamayan ang kapangyarihang magpasya kung sino ang tunay na karapat-dapat na parangalan, ang pasyang dapat nasa kanila mula sa simula.
Ang mga pampublikong pasilidad ay hindi dapat maging monumento ng mga nakaupo sa poder.
Ang mga ito ay dapat manatiling bantayog ng karangalan, katapatan, at tunay na serbisyo.
Ang Lapid Arena ay nagsisilbing paalala at hamon: hindi natin dapat pahintulutang umugat muli ang ganitong tahimik ngunit mapanlinlang na anyo ng intelektuwal na katiwalian/korupsyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here