Home Opinion Landas ng kapayapaan

Landas ng kapayapaan

491
0
SHARE

PARANG ORAKULO ng propeta ang narinig nating awit ni Zacarias sa ating ebanghelyo para sa huling simbang gabi: “Sapagkat lubhang mahabagin ang ating Diyos, magbubukang-liwayway sa atin ang araw ng kaligtasan upang magbigay-liwanag sa mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan, at patnubayan tayo tungo sa daan ng kapayapaan.” 

Kung may mga taong walang ibang pinapangarap ngayon kundi kapayapaan ngayong kasalukuyan, ito’y walang iba kundi ang mga Palestinong patuloy na nabubuhay bilang mga refugees sa Gaza mula sa mga lupang nilisan nila at inokupahan ng Israel. Wala akong maisip na ibang tao sa mundo na nabubuhay sa kadiliman at laging nasa lilim ng kamatayan kundi sila. 

May kakilala akong isang Palestinian Catholic na taga-Bethlehem. Nagtext sa akin dahil gustong ibenta ang bahay niya at maghanap ng ibang bansa kung saan pwedeng manirahan. Matanggap daw kaya siya sa Pilipinas kung mag-apply siya bilang refugee? Walang pag-asa dito sa Bethlehem, sabi niya. Dahil sa giyera huminto ang turismo at pilgrimages, ang tanging pinagkakakitaan nila. Jobless siya ngayon.

Iniuugnay natin ang Pasko sa Bethlehem. Pati mga dekorasyon nating sabsaban pag Pasko tinatawag nating Belen, Kastila ng Bethlehem, ang bayang sinilangan ng Haring David, at ng Panginoong Hesukristo. Sa tingin ko, kung ngayon maghahanap ng pagsisilangan ang Sagrada Pamilya, hindi sila sa Bethlehem kundi sa Gaza strip makikipanuluyan at makahanap ng gumuhong bahay na panganganakan ng anak ng Diyos.

Dahil Kristiyano ang nakararami sa atin sa Pilipinas, alam kong mas malaki ang simpatya ng maraming mga Pilipino sa Israel kaysa Palestinians na akala ng marami ay panay mga Muslim, ewan ko lang kung ramdam ba natin ang pangarap na kapayapaan ng mga taga-Gaza. Siyempre, nangangarap din ng kapayapaan ang Israel, pero paano din sila mapapayapa kung pinaiikutan sila ng mga kaaway?

Noong nakaraang araw, nagsalita ang ating Santo Papa, Papa Francisco, ng pahayag ng pagkalungkot at pagkadismaya sa pinakahuling pambobomba ng mga puwersang militar ng Israel sa mga Palestino sa Gaza. Sabi ni Pope Francis, “Kahapon, binomba na naman ang mga bata sa Gaza. Hindi na ito simpleng giyera kundi kalupitan.” At sinasabi daw niya ito dahil nababagabag ang kanyang puso. Alam kasi niya na nadagdagan na naman ang napakahaba nang listahan ng mga biktima ng giyerang paghihiganti ng Israel sa ginawang paglusob ng grupong Hamas noong nakaraang October 7, 2023. 

Matatandaan na nilusob ng Hamas ang Israel noong nakaraang taon 2023. Humigit-kumulang sa 1,200 na Israeli ang pinatay nilang walang kalaban-laban—at mga 30 dito ay mga bata. Mayroon din silang kinidnap na mga 250 Israeli na hawak nila bilang hostage hanggang ngayon, at mga 30 dito ay mga bata rin. Bilang ganti, isang taon nang pinauulanan ng mga bomba ng Israel ang Hamas sa Gaza, at ang giyerang ito ay nagdulot na ng pagkamatay ng mahigit sa 45,000 na Palestinians. Mga 17,500 sa mga ito ay mga bata. Nakapatay ng halos 36 na bata ang Hamas sa Israel noong 2023 at mga 30 ang hinostage; imultiply mo ng 583 ang 30 x para sa bawat batang Israeli para matumbasan ang 17,500 na batang Palestinians. Ang katuwiran ng Israel ay, dahil ginagawa daw na human shield ng mga Hamas ang mga Palestinian communities sa Gaza. Tinatawag nilang terorista ang paraan ng mga Hamas, pero nagagalit sila kapag tinawag na terorista ang paraan ng gubyerno nila. Gantihan lang.

Hindi alam ng marami na ang mga Palestinians sa Gaza ay hindi lahat Muslim; marami ding mga Kristiyano sa kanila, mga Katoliko. Sakop sila ng Patriarkang Latin ng Jerusalem na si Cardinal Pierbattista Pizzaballa, na hindi pinayagan ng mga militar ng Israel na makapasok sa Gaza para dalawin sila. Sa kabutihang palad, kahapon, matapos na batikusin ni Pope Francis ang huling pambobomba sa Gaza, pinahintulutan na ng Israel na makapasok at makadalaw si Cardinal Pissaballa sa kanyang mga kababayang Palestino na matagal nang nagmamakaawa na itigil na ang giyera. Biktima silang lahat sa patigasan ng paninindigan ng Hamas at ng gubyerno ng Israel.

Kaya kinikilabutan ako habang nakikinig sa unang pagbasa, nang sabihin ni propeta Natan ang pinasasabi ng Panginoon kay Haring David: “Kasama mo ako saan mang dako at lahat ng mga kaaway mo ay aking nilipol…” Bibigyan daw ng Panginoon ng lupa ang Israel doon sila patitirahin at wala nang gagambala sa kanila roon at mang-aalipin sa kanila…” Napakalayo na ng Israel na tinutukoy sa pagbasa sa kasalukuyang Israel. Hindi na Israel na dehado at walang kalaban-laban at kinakawawa ng mga makapangyarihan, kundi Israel na agresibo at llamado sa giyera at suportado ng world powers.

Kung iniisip ng Israel na natupad na ang hula ng propeta sa kanila, sa tingin ko nagkakamali sila. Sinabi rin kasi ng propeta, “Magiging payapa ka sapagkat wala nang gagambala sa iyo…”. Ang kahulugan ng Jerusalem, Yirushalaim sa Hebreo ay siyudad ng Kapayapaan, pero hanggang ngayon, wala pa ring kapayapaan sa bayang iyon. 

Saan sila nagkamali? Siguro katulad ni David, akala ng Israel, upang matupad ang pinapangarap nilang kapayapaan, kailangang ipagtayo nilang muli ng bahay o templo ang Panginoon. Tama si Natan – “Baligtad. Hindi ikaw kundi ang Diyos ang magtatayo ng bahay para sa iyo.” Kaya niya piniling makipanuluyan sa sangkatauhan—upang turuan tayo kung paano lumakad tungo sa landas ng kapayapaan. Hindi mangyayari iyon hangga’t kaaway ang turing natin sa isa’t isa. Magkakaiba man tayo ng relihiyon, o kultura, o lahi, iisang Diyos lang ang ating pinagmulan—Diyos ng pag-ibig, Diyos na nagpapakumbaba, Diyos na hindi tumatawag ng paghihiganti o naniningil ng kasalanan kundi Diyos na nagpapatawad. Diyos na nagpapakilala sa sangkatauhan bilang Ama, upang matutunan natin ituring ang bawat isa bilang kapatid. Sa gayun lang matutupad ang orakulo, hindi sa paligsahan ng lakas, hindi sa gantihan ng mata-sa-mata at ngipin-sa-ngipin. Idalangin natin na magising na tayo mula sa kahibangan at mahimasmasan upang atin nang matagpuan ang tunay na landas patungo sa kapayapaan.

(Homiliya para sa Huling Simbang Gabi, 24 Dis 2024, Lk 1:67-79)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here