LICAB, Nueva Ecija — Kalaboso ang binagsakan ng isang 26-anyos na lalaki matapos umanong makuhanan ng isang riple at tatlong pistola sa implementasyon ng search warrant ng mga operatiba ng magkasanib na Criminal Investigation and Detection Group-Provincial Field Unit Nueva Ecija, Licab police station at iba pang police units sa Barangay San Casimiro ng bayang ito bandang ika-3:30 ng hapon nitong Biyernes, June 30.
Sa ulat ng CIDG-PFU NE officer Maj. Alvin Christopher Baybayan, ang suspect ay kinilalang si Vladimir Rivera, binata at residente ng nasabing lugar. Nasamsam mula sa pag-iingat ni Rivera ang isang M16 Bushmaster, isang .9mm, dalawang .45 at iba’t ibang uri ng bala.
Ang paghahalughog sa tirahan ng suspek ay isinagawa sa bisa ng warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 33 ng Guimba, Nueva Ecija, ayon pa rin sa pulisya.
“The arrested person was informed (of) the cause of his arrest and the nature of offense he committed and subsequently apprised of his Constitutional rights provided under the law,” ani Baybayan sa kanyang report.
Kasong kriminal na paglabag sa Sec. 28 ng RA 10591 (Unlawful Possession and Acquisition of Firearms and Ammunition) ang isinampa laban sa suspect.
Wala pa namang pahayag ang suspek hinggil sa mga ibinibintang sa kanya.