TALAVERA, Nueva Ecija – Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang isang 55-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakilalang salarin sa Barangay Burnay ng bayang ito pasado alas-10 ng gabi nitong Linggo.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Serafin Reyes, may-asawa at residente ng naturang lugar.
Sa imbestigasyon, naglalakad sa kalsada pauwi si Reyes nang lapitan ng salarin at walang anu-ano itong pinagbabaril gamit ang isang handgun. Nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima samantalang mabilis na tumakbo at nakatakas ang suspek, ayon sa pulisya.
“Members of Talavera PS (police station) conducted follow-up investigation, review CCTV footages (from cameras) installed within the vicinity of the place of incident,” ayon sa ulat ng lokal na pulisya.
Kumukuha rin sila ng testimonya mula sa mga tao na posibleng makakilala sa salarin, dagdag nito.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad para sa posibleng pagkadakip sa suspek at mabatid ang motibo sa likod ng krimen.