MARIVELES, Bataan — Isang lalaki ang nalunod at namatay nang sa hindi pa malamang dahilan ay itinulak diumano ng kasamahan sa hot spring sa Barangay Balon Anito sa bayang ito Linggo ng hapon.
Kinilala ni June Divinagracia, Balon Anito barangay investigator, ang biktima na si Kevin Naga Reyes, 25, ng nasabi ring barangay.
Nagkakasayahan diumano ang biktima at isang kasamahan habang nasa gilid ng hot spring bandang alas-4:48 ng hapon nang biglang itulak ito sa mistulang malaking balon na sinasabing napakalalim.
Sa report ni Divinagracia, makalipas ang 20 minuto ay may nagsumbong na bata na may lalaking itinulak sa hot spring kaya kumilos agad ang mga barangay tanod at nagreport sa pulisya at sa municipal disaster risk reduction management office.
Natagpuan ang katawan ng biktima pasado alas-6 ng gabi matapos sisirin ang ilalim ng hot spring. Sinubukan itong i-revive ng mga sumaklolong rescue workers ngunit hindi na rin nakaligtas.
Ang tubig sa hot spring na halos maligamgam lamang ay dinarayo dahil pinaniniwalaang nagpapagaling ng iba-ibang karamdaman lalo na ng sakit sa balat.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya.