Ang suspek sa pamemeke. PACC photo
PALASYO NG MALACAÑANG — Inaresto ng pinagsanib na pwersa ng Presidential Anti-Corruption Commission at National Bureau of Investigation ang isang lalakeng pinepeke ang pirma ni Pangulong Duterte, nagpapanggap na miyembro ng Inter-Agency Task Force on Covid-19, at nagbebenta pa ng mga quarantine passes.
Ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica, inaresto ang suspek na si Marvin Cuna, residente ng Binan, Laguna dahil sa mga reklamo na nagbebenta ito ng quarantine pass na nagkakahalaga ng P1,500 hanggang P3,000 at pinepeke ang pirma ng Pangulong Duterte sa mga dalang dokumento at nagpapakilalang IATF member.
Nang maaresto ng PACC at NBI si Cuna ay nakumpiska mula dito ang mga pekeng dokumento, IATF ID, at cash.
Ayon kay Belgica, ang suspek ay miyembro ng isang non-government organization na nagpa-accredit sa isang ahensya ng pamahalaan para magboluntaryong tumulong sa gitna ng epidemya ngunit nilinaw nn commissioner na hindi konektado si Cuna sa Office of the President o saan man sa Malacanang.
Binigyan diin ni Belgica na walang binebenta na anumang dokumento ang gobyerno sa gitna ng krisis sa Covid-19 at nagbabala na agad na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sakaling may mabatid na ganitong uri ng panloloko.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act of 2020 at falsification of documents.