Madami akong natutuhan sa pagpunta namin sa Ho Chi Minh City, Vietnam. Pagbaba palang sa taxi ay agad ko ng napansin ang maraming mga puno at halaman sa gitna ng lungsod na halos dalawang metro lamang ang layo sa bawat isa, naka-numero na tila palatandaan upang huwag itong putulin.
Dahil sa mga punong ito’y hindi namin masyadong naramdaman ang init bagamat ang Vietnam ay isang tropikal na bansa kagaya ng Pilipinas.
Naisip ko tuloy ang kalapastanganang ginawa sa mga puno sa kahabaan ng Mac Arthur Hiway sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga.
Hindi ko tiyak kung ang Advocacy for the Degradation of Central Luzon (ADCL) ang may kagagawan nito, pero isa lang ang alam ng mga Kapampangan – isa sa kanilang lider ay tunay na talunan at mamamatay puno.
Kapansin pansin din na hindi nilalamukot ng mga Vietnamese ang kanilang salaping papel. Buo at tila laging plantsado ito. Hindi man sila magsalita, sa ganitong bagay makikita ang paggalang at pagkilala sa katapangan ng kanilang kinikilalang bayani na si Ho Chi Minh na siyang nakalarawan sa mga salapi.
Ang kanilang mga hotel at hostel naman, maliban sa mura na at maganda, ay may libreng wifi access ang lahat na silid. Hindi kagaya ng mga malalaking hotel sa Pampanga at Clark na bukod sa napakamahal ang bayad ay hindi pa libre ang wifi access. Maraming mga turista tuloy ang nadidismaya.
Ang mayamang kasaysayan ng Vietnam at mga Vietnamese ang nagiging kalakasan ng kanilang turismo at hindi ang pagpapalit lamang ng slogan.
Paano mo nga naman makakalimutan ang karanasan sa makasaysayang Cu Chi tunnel kung saan natalo ang Estados Unidos. Bilang mga turista ay ma-uukit din sa aming isipan at puso ang mga katotohanang nasa War Remnants Museum na hindi pa alam ng maraming tao.
Pero sa aking karanasan sa paglalakbay, sa pagpunta sa ibang bansa kagaya ng Macau, Hongkong at Vietnam, masasabi ko na walang katulad ang Pilipinas pagdating sa yaman sa kasaysayan at sa marami pang bagay.
Makasaysayang mga lugar kagaya ng Bataan, Bulacan at Cebu, mga kahanga-hangang gawa ng mga Pilipino kagaya ng Banawe Rice Terraces, at ang tanawin sa ibat ibang mga lugar kasama na ang underground river sa Palawan. Naririto rin ang mga magagandang beaches sa Asya kagaya ng Boracay at CamSur.
Alam din nating lahat na ang pagka-maalam at kagalingan ng Pilipino ay natatangi at maipagmamalaki sa mundo. Magaling tayong mag-Ingles kumpara sa ibang mga lahi kaya nga maraming turista ang nawiwiling pumunta at bumalik sa ating bansa.
Magaling tayong mag-entertain ng mga bisita at magaling din tayo sa ibat ibang mga larangan – sa beauty pageant, sa sports o palakasan, sa talento sa pag-awit at pagsayaw, sa katalinuhan, at marami pa.
Subalit sa madalas na pagkakataon ay tila sumosobra tayo sa galing na minsan ay ginagamit sa masamang paraan – sa pagnanakaw o pangungurakot at sa panloloko sa mga tao. Ito ang nagiging dahilan kung bakit marami sa atin ay kulang sa mabuting gawa, sa tamang asal at pag-uugali, at sa aral.
Pero angat parin tayo sa ibang mga lahi kagaya ng mga Vietnamese. Ang pagkakaiba nga lamang ay naisasapuso nila ang tinatawag na nasyonalismo, mayroon silang pagkakaisa lalo na sa paggawa.
Ginagawa nila ang bawat makabuluhang bagay hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para sa kanilang bansa.
At yun ang wala tayo.