Home Headlines Lakas sa kahinaan

Lakas sa kahinaan

975
0
SHARE

ITO ANG naisip kong pamagat para sa ating pagninilay sa ebanghelyo natin ngayon, dahil parang hawig and mensahe nito sa naisulat minsan ni San Pablo sa mga taga-Corinto (2 Cor 12:7-10).

Ganito ang nasabi niya sa sulat na iyon, “Para hindi ako maging mayabang dahil sa kamangha-manghang mga bagay na ipinakita ng Dios sa akin, binigyan ako ng isang kapansanan sa katawan. Hinayaan ng Dios na pahirapan ako ni Satanas sa aking kapansanan para hindi ako maging mapagmalaki.”

Tatlong beses daw nagmakaawa si San Pablo na alisin sa kanya ng Panginoon ang kanyang kahinaan o kapansanan, na tinawag niyang “tinik sa laman.” Pero ganito daw ang sagot ng Diyos sa kanya, “Sapat na sa iyo ang aking biyaya, dahil ang kapangyarihan ko ay nakikita sa iyong kahinaan.”

Ano ang kaugnayan nito sa ating ebanghelyo ngayon? May konteksto kasi ang sagot ni Hesus sa pakiusap ng mga alagad na dagdagan niya ang kanilang pananampalataya. Di ba sinabi niya, kahit kasinliit lang ng butil ng mustasa ang kanilang pananampalataya, mararanasan pa rin nila ang kapangyarihan nito? Na pwede nilang utusang mabunot ang isang punongkahoy upang malipat sa dagat?”

Sayang nilaktawan kasi ng pagbasa sa leksyunaryo ang unang parte ng chapter 17 ng ebanghelyo. Sa verse 5 kaagad nagsisimula, nilaktawan ang verses 1-4. Doon kasi nasabi ni Hesus na may matinding parusang naghihintay sa sinumang maging sanhi ng ikapagkakasala ng kapwa at dapat laging handa silang magpatawad sa bawat sandali na may paulit-ulit na magkasala sa kanila at paulit-ulit ding humingi ng tawad. Para bang ang reaksyon ng mga alagad ay, “Ang hirap naman yata ng ine-expect mo sa amin, Lord; hindi yata kaya ng powers namin iyon. Siguro kakayanin namin KUNG DADAGDAGAN MO ANG AMING PANANAMPALATAYA.”

Kaya ang kasunod ay ang pangaral niya tungkol sa sikreto ng “kapangyarihan sa gitna ng kahinaan, kaliitan o kapakumbabaan.” Ano ang sikretong ito? Ang Talinghaga tungkol sa mapagkumbabang utusan. Ang tamang disposisyon daw ng isang mabuting tagapaglingkod ay ganito: na sa kabila ng kanyang pagpapagod, wala siyang hinihintay na gantimpala, recognition, o kahit na pasasalamat, dahil hindi doon nakasalalay ang kanyang pagpapagod. Hindi siya naghahabol ng karapatan dahil sa kanyang ginagawa. Nananatiling mababa ang kanyang loob. Ang paglilingkod mismo ay sapat nang gantimpala sa kanya.

Ito daw ang tamang disposisyon na magpapanatili sa katatagan ng isang naglilingkod para hindi siya maging mayabang o lumaki ang kanyang ulo. Na kung kailan siya nananatiling mababa ang loob, noon siya lalong napapalakas ng Panginoon, noon lalong namamagitan sa kanya ang kapangyarihan ng Diyos. Noon lalong nararanasan sa pamamagitan niya ang lakas ng Panginoong pinaglilingkuran niya.

Ano nga ba ang magpapalakas sa atin upang magpatawad? Edi ang pananatiling mulat na tayo mismo ay makasalanan at pinatawad! Ang manatiling mababa ang loob na aminin na tayo din ay laging nangangailangan ng patawad, biyaya at awa. Ang ganitong disposisyon daw ay mahalaga upang tayo rin ay maging laging handang magpatawad, magbigay at magdalang-awa.

Di ba ganito ang punto noong talinghaga tungkol sa dalawang taong nangutang at pinatawad? Syempre daw ang pinatawad ng mas malaking pagkakautang ay mas malaki ang magiging utang-na loob. Kaya napagsabihan ni Hesus ang Pariseong nagpakain sa kanya ngunit nanlait sa babaeng makasalanan na nagbuhos ng mamahaling pabango sa kanyang mga paa. Ang nagkasala daw ng malaki at pinatawad ay mas matindi daw kung umibig kaysa nagkasala nang maliit lang. Kaya siguro mas nagiging dakilang mga santo ang mga dating pasaway.

Iyung mga laging matuwid ang magkakaroon ng tendency na maging mayabang, na mag-isip na wala silang pinagkakautangan ng loob, na karapatan nila ang lahat ng tatanggapin nila dahil sa isip nila, lahat ng ito ay bunga ng sariling pagsisikap lang. Ganoon ang tipong yumayabang at hindi makapagpupuno sa pagkukulang ng iba, mga tipong nasosobrahan ng bilib sa sarili. Aasa lang iyon sa sariling lakas, imbes na sa kapangyarihan ng Diyos.

Ang mga taong nagiging tunay na mapagbigay at laging handang magbahagi ay walang iba kundi ang mga taong laging mulat na lahat ng meron sila ay grasya, biyayang tinanggap din nila kahit hindi sila karapat-dapat. Ganyan naman sa buhay, di ba? Ano bang dala natin sa mundo nang isilang tayo? Ni suot nga wala tayo. Di ba pinalaki tayo, binihisan, pinakain, pinaaral, ng mga taong nagmahal sa atin na wala namang hinihintay na kabayaran? Na ang makita tayong maging matagumpay ay sapat nang kaligayahan sa kanila?

Ang paborito daw na strategy ng dimonyo sa pagpapabagsak niya sa tao ay pagpapalaki ng kanyang ulo. Kapag nasanay ang tao na angkinin ang hindi naman talaga kanya. Ang tendency ng tao na maging mayabang. Noon daw lalong humihina ang pagkatao natin, kapag nakasalalay ang ating self-esteem sa affirmation o mga papuri o pagkilala ng iba sa ating mga accomplishments.

May itinuro si Hesus na sikretong panlaban sa dimonyo kapag parang nagkakaroon na tayo ng tendency na mahumaling sa papuri at pagkilala ng iba. Ang laging ituro ang pinanggagalingan ng lahat ng kabutihan na taglay natin. Ang tumulad kay Mama Mary: Nang sabihan siya ni Elisabeth, “Napakadakila mo sa lahat ng babae, at napakadakila ng anak na isisilang mo!” Ang sagot niya ay Magnificat, “Napakadakila ng Diyos.”

Mahalaga na manatili tayong mulat sa kung sino tayo sa harapan ng Diyos, na kasangkapan lang tayo ng kanyang lakas at kapangyarihan. Kumbaga sa buwan, wala tayong sariling liwanag kundi ang liwanag ng araw na nakikita sa atin sa kadiliman ng gabi.

Nasabi rin ito ni Hesus sa Sermon niya sa bundok, “Hayaan ninyo na sumikat ang inyong liwanag sa daigdig, upang makita nila ang inyong mabuting gawa at purihin nila ang Diyos Amang nasa langit.” Hindi pala corny na kapag pinuri tayo, matapos na magsabing “Thank you,” ang isunod ay “Praise the Lord,” o “To God be the Glory.”

Kaya siguro sa Misa, matapos na dasalin natin ang Ama Namin, may panalangin ang pari na “iadya tayo sa masama” at “pagkalooban tayo ng kapayapaan, ligtas sa kasalanan at ilayo sa kapahamakan.” Mangyayari lahat ng iyon kung alam nating kilalanin ang pinagmumulan ng lahat: “SAPAGKAT SA IYO NAGMUMULA ANG KAHARIAN, KAPANGYARIHAN AT KAPURIHAN, MAGPASAWALANG-HANGGAN. Amen!”

(Homiliya Para sa Ika-27 Linggo ng Karaniwang Panahon, 02 Oktubre 2022, Luk 17:5-10)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here