Lakas ng suntok, tibay ng loob

    872
    0
    SHARE

    Natunghayan natin ang marahil pinaka-sulit na panooring boksing sa kasaysayan ng mundo. Kakaiba sa lahat ang pakiramdam ng mga Pinoy na umariba sa halos lahat ng panig sa mundo, maging sa kalupaan sila nanood, o sa mga barko sa laot ng karagatan. Para nga naman sa atin ang laban na ito.

    Sa kabuuang 12 rounds ng hatawan at bugbugan ay nabalot sa kaba ang dibdib ng lahat ng Pilipino.

    Napakahirap mapiho kung sino ang nanalo sa suntukan sa pagitan ng dalawa.

    Sa mga scorecards, may mga round na nanalo si Manny, tinaguriang best pound-for-pound boxer sa mundo, at sa ibang round naman ay si Marquez, ang tanyag na tanyag ding boksingero sa kanilang bansa sa Mexico.

    Sa simula pa lang nag-init na ang laban at ang sigawan sa ringside audience – na halos hati sa Pinoy at Mexicans – ay umalingawngaw.

    Sa paninimbang ng mga hurado, kailangang ilampaso ni Marquez, bilang challenger, itong si Pacquiao, ang title holder, para talagang manalo ang Mexican.

    Ngunit sadyang matibay si Pacquiao. Makaraan ang 12 rounds, idineklarang panalo ang Pinoy – na ikinagalit ng mga Mexicans.

    Hinagpis ni Marquez, muli, hindi ipinagkaloob sa kanya ang pagkilala ng World Boxing Council bilang pinakamahusay na boksingero sa mundo.

    Mga kabalen, marahil ang boksing na ang isa sa mga kontrobersyal sa mga larangan ng sports, lalo na kung ang labanan ay sa pagitan ng dalawang lahi. Dahil sa boksing ang galing at lakas ay ginagamit sa pananakit sa katunggali, kaya kung tutuusi’y lihis sa tama ang matuwa kapag natutumba, nasusuntok, at natatalo ang kalabang lahi.

    Ang boksing bilang tagisan ay isa sa mga sinaunang tunggalian na gustong-gustong pinapanood ng tao.

    Sa kabila ng teknolohiya, kakaiba pa ring panoorin ito ng ringside, gaano mang kamahal ang bayad. Sa boksing ang mga bayarang magkatunggali ay magsasalpukan upang makilala kung sino ang higit na malakas at maalam sa labanan. Kung sino ang mas nakakalalaki.

    Bilang kasama at kaibigan niya sa House of Representatives, si Rep. Manny Pacquiao ay aking binanabati sa natamo niyang karangalan, dahil sa kanyang pagkawagi ngayon.

    Hinahangaan ko siya dahil kahit wala na siyang dapat patunayan sa boksing, at maging sa pulitika dahil isa na siyang congressman, nagpapatuloy pa siya sa napakahirap na larangan ng boksing, kahit siya’y nalalagay sa peligro, sa ikasasaya lamang ng kapwa Pilipino.

    Sa pagyakap niya sa delikadong larangan ng boksing dala ng kahirapan, kung saan nakapagbibigay naman siya ng karangalan sa bansa, ngayon nagbibigay din siya ng karangalan sa iba ring paraan.

    Siya’y namumukod sa lahat ng mahuhusay na boksingero sa mundo, bilang isang lehislador, at kamakailan, bilang TV program host.

    Marami pwedeng matutunan mula kay Manny Pacquiao.

    Una, ipinagmamalaki nya na siya’y isang Pilipino. Katunayan ang pagtitiis niya sa training at pagbuhos ng lakas at galing sa bawat laban niya ay iniaalay niya sa mga kapwa Pilipino.

    Ikalawa rito at napakahalaga, ay ang pagkilala niya sa Panginoon, ang pagluhod sa kanyang korner makaraan ang bawat laban upang magpasalamat sa angkin niyang lakas at galing, at paghingi ng tawad dahil siya’y nakapanakit ng kapwa. Kasama niya sa pagdarasal si Mommy Dionisia.

    Hindi naman natin minamasama ang mga pagmumura at paghahagis ng kung anu-anong bagay sa ring ng mga manonood ng live ringside sa Nevada, Las Vegas makaraang ipina-alam nang nanalo si Manny.

    Gaya ng sabong, natalo kasi ang manok nila, kaya ganoon na lang ang reaksiyon nila. Tulad ng pinahiwatig ko, ang boksing ay sinauna at makamundong tagisan kung saan matira ang matibay.

    Kailangang igupo ang katunggali kung ayaw mong ikaw ang magapi. Kailangang malakas kang manuntok at marunong kang umiwas sa suntok ng kalaban.

    Ngunit ito ang karaniwan.

    Ang gawin natin mga kabalen ay magpatuloy sa ating pagpupunyagi upang makabangon tayo sa ating kinasasadlakang kahirapan. Magkaisa tayo.

    Sa harap ng mga balita na ngayon ay nahahati na ang mga Pinoy kung sino talaga ang nanalo, huwag tayong mag-away at magpadala sa girian. Huwag din tayong mahumaling sa pakikipag-debate kung sino talaga ang nanalo.

    Gawin nating ang di-pangkaraniwan. Gumawa ng paraan upang lumakas tayo at maging handa sa pakikibaka sa buhay, at maging mapagkumbaba at magkaroon ng tibay ng loob, upang sa mga intriga at girian hindi tayo magpadala, at manatiling nakatayo, nagkakaisa, at lumalaban.

    Huwag nang mag-debate.

    At baka may mabalitaan na naman tayong dalawang lasing nagtagaan dahil sa debate sa kung sino ang nanalo sa huling labang Pacquiao-Marquez.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here