Sila ay ilan lamang sa mga aplikante sa prestisyosong taunang timpalak na Lakan at Lakambini ng Bulacan.
Ang screening o pagpili ng mga aplikante ay isinasagawa tuwing araw ng Linggo sa Ciudad Clemente Resort sa bayan ng Paombong.
KUHA NI DINO BALABO
PAOMBONG, Bulacan – Hindi lamang pagandahan at pagalingan sa pagpapakita ng talento, sa halip ay pagpapakita ng marangal at mabuting ugali ng mga Bulakenyo.
Ito ang buod ng paglalarawan ni Father Dennis Espejo para sa pinalawak na taunang timpalak na Lakan at Lakambini ng Bulacan, ang prestihiyosong timpalak na patuloy na tumutuklas ng mga katangi-tanging kabataang Bulakenyo sa loob ng 15 taon.
Sa kasalukuyan, ang mga tagapag-organisa ng nasabing timpalak ay patuloy na tumatanggap ng mga kalahok na kanilang ipakikilala sa ikalawang Linggo ng Setyembre.
Ang screening o pagpili sa mga nais lumahok ay isinasagawa sa Ciudad Clemente Resort sa bayang ito tuwing araw ng Linggo, simula ala-una ng hapon.
“Mas pinalawak namin ngayon ang konsepto ng Lakan at Lakambini ng Bulacan, hindi lamang ito pagandahan at pakisigan, sa halip ay may social consciousness,”ani Father Espejo na tagapangulo ng outreach committee ng Lakan and Lakambini ng Bulacan Charities (LLBC).
Kabilang sa mga outreach program na inihahanda ng LLBC para sa mga kalahok sa taunang timpalak ay ang paglahok sa kampanya para sa promosyon ng Biak-Na-Bato National Park, pagpapakain sa mga kabataang kapuspalad, pakikiisa sa pagtatayo ng mga bahay para sa mga biktima ng bagyong Ondoy sa mga bayan ng Marilao at Plaridel.
Bukod dito, sinabi ni Espejo na magiging aktibo ang mga kabataang kalahok at mga kumpanyang sumusuporta sa taunang timpalak sa ibat-ibang gawaing pangkalikasan katulad ng pagtatanim ng mga punong kahoy, paglilinis sa mga lansangan at mga value formation seminar.
“They will be Bulacan’s ambassadors of goodwill,” ani Espejo at iginiit na bukod sa panglabas na anyo ay hangad din nilang mahubog ang karakter ng mga kabataan bilang mga modelong mamamayan.
Sinabi niya na “may magaganda na pangit ang ugali, kaya kailangan natin ng mga value formation seminar para hindi lang kagandahan ng anyo ang makita kundi pati ugali.”
Inihayag din niya na ang plano na tulungan ang mga kalahok sa kanilang pag-aaral at paghahanap ng trabaho sa pamamagitan ng pagbibigay ng scholarship at pakikipag-ugnayan sa mga kumpanyang nangangailangan ng kakayahan ng mga kabataan.
Kaugnay nito, sinabi ni Jose Clemente, ang tagapagtatag ng LLBC na may dalawang Linggo pa ang nalalabi para sa mga nais lumahok sa taunang timpalak.
Ang mga nais lumahok ay dapat may taas na 5’5” para sa mga kababaihan, at 5’9” para sa mga kalalakihan bukod sa edad na 17 hanggang 23 taong gulang.
Sinumang Bulakenyo o nakatira sa lalawigan ng Bulacan sa loob ng nagdaang anim na buwan ay maaring lumahok.
Ang mga opisyal na kalahok ay ipakikilala sa mga mamamahayag sa ikalawang linggo ng Setyembre at ang koronasyon ay sa Oktubre.