LUNGOD NG MALOLOS – Buo parin ang kumpiyansang makakasali sa 2012 London Olympics ang Bulakenyong manglalangoy na si Jessie Khing Lacuna, na kinikilala bilang pinakamabilis na manlalangoy sa bansa ngayon.
Ito ay matapos hindi mabasag o mapantayan ni Lacuna ang isang minuto at 48 segundong qualifying time sa 200 meters freestyle sa Olympics, sa katatapos na ika-26 na South East Asian Games na isinagawa sa Palembang Indonesia noong Nobyembre 11-22.
Sa nasabing palaro, naitala ni Lacuna ang bilis na isang minuto at 52.23 segundo sa 200 meters free style.
Siya ay pumangalawa kay Kai Quan Danny Yeo ng Singapore na nakapagtala ng isang minuto at 51.07segundo upang makamit ang medalyang ginto.
Sa kabila nito, sinabi ng 17-taong gulang na si Lacuna na nagmula sa bayan ng Pulilan, Bulacan na siya ay umaasa at nagdadasal na makalahok sa 2012 London Olympics.
“Di po ako nag-qualify para sa Olympics, pero may qualifying games sa Mayo, and I’m praying to make it,” ani Lacuna sa isang email na ipinahatid sa mamamahayag na ito noong Lunes, Nobyembre 28.
Binigyang diin niya na hindi siya pinanghinaan ng loob saresulta ng kanyang paglalaro sa ika-26 na SEA Games, sa halip, iyon ay patuloy na nagbibigay sa kanya ng inspirasyon upang higit na pagbutihin ang pagsasanay at paghahanda.
“Hindi ako na-discourage, ito pa nga ang nagpu-push sa akin na pagbutihan pa ang training,” ani Lacuna.
Nagpahayag din ng pag-asa ang batang manglalangoy sa susunod na qualifying games para sa London Olympics ng kanyang sabibin na “kaya pang habulin iyon” patungkol sa kanyang paglahok.
Si Lacuna ay kinikilala bilang pinakamabilis na manglalanngoy sa bansa ngayon matapos niyang basagin ang national record sa 200 meter freestyle na naitala ni Miguel Molina sa 2007 SEA Games na isinagawa sa Thailand.
Sa nasabing palaro, itinala ni Molina ang bilis na isang minuto at 50.57 segundo.
Ngunit ito ay hinigitan at nabasag ni Lacuna ng kanyang itala ang isang minuto at 50.90 segundo sa Singapore National Age Group Championship noong Marso, 2010, kung kailan ay 16 na taong gulang lamang ang Pulilenyong manglalangoy.
Noong 2009, napabilang si Lacuna sa Philippine Swimming Team na nakipagtunggali sa Laos SEA Games.
Sa nasabing palaro nasungkit nila ang medalyang pilak sa 4X400 meters free style relay.
Sa katatapos na ika-26 na SEA Games sa Palembang, Indonesia, tatlong medalya ang naiuwi ni Lacuna.
Kabilang dito ang pilak para sa 200 meter free style at tig-isang medalyang tanso para sa 4X400 meter free style at 4X200 freestyle.
Si Lacuna ay isinilang at lumaki sa bayan ng Pulilan sa Bulacan; sa edad na tatlong buwan ay nagsimulang lumangoy.
Ito ay matapos siyang ihagis sa swimming pool ng kanyang ama na si Marcelo, samantalang may nakasuot na floating arm band sa batang Lacuna.
Ayon kay Marcelo, simula ng araw na iyon aynakita niya ang potensyal ng kanyang anak ng magkakawag ito sa swimming pool.
Sa edad na limang taon, isinali siya ng kanyang ama sa isang panglalawigang palaro sa Bulacan at tinalo niya ang higit na matandang kalahok sa kanya.
Ngunit hindi siya nagbigyan ng medalya dahil siya ay “saling-cat”lamang o hindi opisyal na kalahok.
Sa edad na anim na taon, nagsimula ng maghakot ng medalya sa bawat paligsahang salihan si Lacuna, ang isa sa mga ito ay ang 2006 Philippine Olympic Festival kung saan ay humakot siya ng walong medalyang ginto.