WALA AKONG ninanais na kampihan
kina Zubiri at Trillanes, kung saan
muntik nang humantong sa pagsusuntukan
ang kung anong isyu na pinagtalunan
At kung hindi lamang inawat marahil
ng kanilang kapwa mga senador din,
malamang umabot sa palibreng boksing
ng Senado ang siyang napanood natin
(Pero, ‘at the expense’ ng ating gobyerno
ang oras at pagod ng mga damuho,
na sinayang lang n’yan diyan sa Senado
kung saan ang lahat nadamay ng husto)
At kung saan imbes panukalang batas
itong sa plenaryo pag-usapan dapat
ay nagagamit sa walang kwentang babag
nitong animo’y sangganong mambabatas
At tulad ng dati ay itong Trillanes
ang puno’t-dulo ng mga maiinit
na argumento at sagutan sa Senate,
palibhasa’y diyan yata siya mahilig?
O nang dahil sa siya’y dating ‘leftist,’ kaya
likas na sa kanya ang pananalita
na matatalim at parang bale-wala
lamang kahit makapanakit ng kapwa?
Sana naman bilang halal na Senador
ay magawa nilang magpakahinaon
sa sarili kapag umabot sa puntong
ang nakataya ay ang sariling honor.
Ilang kapwa niya mga mambabatas
ang nakabangga na’t halos mahahayap
na mga salita rin itong lumabas
sa bibig ni Tonio kapag may kababag?
Di ko sinasabing basagulero siya
o may pagka-butangero ang tulad niya,
Pero di ba’t siya ang sa ‘Senate’ kumbaga
itong ika nga ay laging kontrabida?
Ang akusasyon niya kay Miguel Zubiri
na nandaya ito kung kaya nagwagi
laban kay Pimentel ay posibleng mali
itong si Tonio kung suriing maigi
Kasi anong kakayahan na mandaya
ni Miguel Zubiri sa kanyang akala?
Pagkat maaaring pagbibigay kusa
lang ni Migs kay Coco ang magpa-paubaya.
At kung tutuusin si Mr.Trillanes
ang posibleng higit o mas mapanganib
na uri kaysa kay Migs kung ninanais
nating ang records n’yan mahalungkat pilit.
Di lingid sa atin ang ‘Oakwood Mutiny’
kung saan kabilang si Trillanes pati
sa mga sundalong noon nagrebelde
laban sa gobyerno ‘in year 2003’?
Pasalamat siya’t di parusang bitay
ang inihatol sa kanya ng Hukuman,
Kundi’y nasa ‘6 feet below the ground’ na yan
kung ang pinairal ay Batas Militar.
Aywan lang kung bakit ang ating gobyerno
ay para bang minsa’y lubhang pasensyoso,
Kaya naman itong mga abusado,
binabale-wala pati batas nito?!