LABAN SA KYOTO PROTOCOL
    Embahador ng Canada tameme sa batikos ng Tsina

    375
    0
    SHARE

    Pinangunahan ni Canadian Ambassador to the Philippines Christopher Thornley ang pamamahagi ng mga school supplies sa mga mag-aaral ng San Jose Elementary School sa Calumpit, Bulacan noong Lunes.

    Kuha ni Dino Balabo

    CALUMPIT, Bulacan—Tumangging magkomento ang embahador ng Canada sa Pilipinas sa batikos na tinatakot umano nila ang mas maliliit at mahihirap na bansa upang umayon sa kanilang panukala laban sa Kyoto Protocol.

    Kaugnay nito, matatapos na sa Biyernes, Disyembre 9 ang Climate Change Conference na isinasagawa sa Durban, South Africa kung saan ay ninanais na mapalawig ang Kyoto Protocol na magtatapos sa susunod na taon.

    Ang Kyoto Protocol na nilagdaan ng mga bansa noong 1992 ay naglalayong magtakda ng pagbabawas ng green house gas emission sa bawat bansa upang maiwasan ang global warming na naghahatid ng mga mapaminsalang kalamidad tulad ng bagyo at baha.

    “I don’t want to comment on that,” ani Christopher Thornley, embahador ng Canada sa Pilipinas ng tanunging ng mga mamamahayag na hinggil sa pagbatikos ng Tsina sa kanilang pagtutol pagpapatupad ng Kyoto Protocol.

    Tumanggi ring magkomento si Thornley sa pahayag ni Mohau Pheko, ang South African Commissioner na nakabase sa Ottawa, Canada na nagsabing tinatakot ng Canada ang mas mahihirap na bansa upang umayon sa kanilang paninindigan sa laban sa Kyoto Protocol.

    Ayon sa pahayag ni Pheko na inilathala ng Vancouver Sun, kinausap ng Canada ang Brazil at inilarawan iyon bilang isang pambabraso o “arm twisting.”

    Ayon kay Pheko, ang pambabraso ng Canada ay may kaugnayan sa pagbibigay nito ng tulong sa mas mahihirap na bansa sa pamamagitan ng kankilang Canadian International Development Agency (CIDA).

    “I really have no comment on that,” muling giit ni Thornley matapos ang pamamahagi ng mga bag, notebook, lapis at papel sa mga mag-aaral ng San Jose Elementary Schol sa bayang ito noong Lunes, Disyembre 5.

    Sa kabila ng pagtutol ng embahador na magbigay ng komento, hindi ito nangangahulugan na hindi niya alam ang mga sagot.

    Batay sa pahayag ng isang tauhan ng embahada matapos ang panayam, lumalabas na ikinagulat ni Thornley ang mga tanong kaya’t nasabi niya sa nasabing tauhan ng embahada “well, someone did his homework.”

    Samantala, halos mawalan ng pag-asa ang mga Pilipinong environmentalist na dumadalo sa isinasagawang ika-17 Conference of Parties (COP17) sa Durban na tinagurian ding Climate Change Conference.

    Sa isang email na ipinahatid sa mamamahayag na ito  noong Lunes ni Red Constantino, ang executive director ng Institute for Climate Sustainable Cities (ICSC), ikinuwento na pumanig na sa paninindigan ng Amerika ang Canada.

    Matatandaan na sa COP15 na isinagawa sa Copenhagen, Denmark noong 2009, nagkaisa ang mahihirap na bansa na pagbayarin ang mayayamang bansa tulad ng Amerika at Canada dahil sa mga ibinugang usok o green house gas ng mga ito sa himpapawid sa loob ng nagdaang mahigit 100 taon.

    Ang nasabing usok ay higit na nagpapainit sa klima ng mundo ngayon na tinatawag na global warming na nagsasanhi ng pagbabago ng klima o climate change.

    Ilan sa mga bunga ng climate change ay ang mapaminsalang bagyo na may hatid na higit na maraming ulan na sanhi ng flash floods, bukod pa sa pagkatunaw ng mga niyebe sa mas malalamig na bansa na nagpapataas ng lebel ng tubig sa karagatan na nagpapalubog sa mga pamayanan sa tabing dagat tulad ng Pilipinas.

    Batay sa napagkasunduan sa Copenhagen noong 2009, dapat maghanda ng $100-bilyon ang mayayamang bansa na gagamitin bilang GCF.

    Ngunit ito’y hindi napagtibay sa COP16 sa Cancun, Mexico noong nakaraang taon, kaya’y pinipilit ng mas mahihirap na bansa na ito ay mapagtibay at mabilisang maipatupad matapos ang COP17 na kasalukuyang isinasagawa sa Durban.
     
    Habang nalalapit naman ang pagtatapos ng COP17, wala pang nakikitang pag-asa ang mga mahihirap na bansa dahil sa pagkontra ng Amerika at Canada.

    “This is a disgusting position to take, including its position that parts of the global fund should be for private sector use and that loans will be part of the GCF facility and so on,” ani Constantino.

    Matatandaan na kaya hindi napagtibay ang GCF sa Copenhagen noong 2009 ay dahil sa pambabraso ng Amerika.

    Ayon pa kay Constantino, “the Philippines has said repeatedly so far that there are many deep problems in the GCF but that a covering decision in Durban must be made, in order to operationalize the fund soonest, which the US is against.

    This is a correct position to take, as the greater urgency is to operationalize the fund and at the same time ensure that it is under the full authority of the Conference of the Parties.”

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here