HAGONOY, Bulacan – Higit na nadagdagan ang kahandaan ng mga Laang Kawal sa lalawigan dahil sa mga karagdagang kagamitang ipinagkaloob sa kanila na magagamit sa pagtugon sa kalamidad.
Kaugnay nito, sinabi ng pamunuan ng mga Laang Kawal na ipagpapatuloy nila ang pagpapalakas sa kanilang hanay sa pamamagitan ng pagpupundar ng sasakyang panglupa at pagpapaunlad ng kanilang kooperatiba.
Ang dagdag na kagamitang ipinagkaloob sa mga Laang Kawal ay isang bangkang de motor at 18 floating vest.
Ayon kay 1Lt. Nelson Pangilinan, ang commanding officer ng Alpha Company ng mga Laang Kawal sa Unang Distrito ng lalawigan, ang nasabing bangka ay magagamit nila sa pagsagip sa buhay katulad ng mga nalulunod.
Ang mga floating vest naman ay magagamit ng mga kasapi ng Laang Kawal na sumailalim sa mga masusuing pagsasanay na pinangunahan ng Special Forces ng Philippine Army na nakabase sa bayang ito sa pamumuno ni Capt. Adolf Ian Garceron.
“Mas handa kami ngayon sa mga emergency at disaster rescue operations,” ani Pangilinan.
Sa mga nagdaang taon, ang mga kasapi ng Laang Kawal sa unang distrito ng lalawigan ay matiyagang sumailalim sa ibat-ibang pagsasanay hinggil sa emergency at disaster rescue operations.
Ito ay dahil na rin sa kalagayan ng unang distrito ng lalawigan ay laging nahaharap sa mga kalamidad katulad ng pagbaha.
Kabilang dito ang mga bayan ng Calumpit, Hagonoy at Paombong na laging nakakaranas ng mga pagbaha taon-taon.
“Dati nakikisakay lang kami sa Army o kaya sa mga bangka ng LGU, ngayon, mas mabilis kaming makakaresponde dahil may sarili na kaming bangka,” ani Pangilinan.
Iginiit pa niya na sinadyang pagsumikapan ng mga Laang Kawal na makapagpundar ng kanilang sariling kagamitan upang tulungan ang mga lokal at panlalawigang pamahalaan kung dumating man ang kalamidad na sanhi ng climate change.
Ang nasabing bangka ay ipinagkaloob ni Kon. Basilio Cruz ng Hagonoy, ipinagawa at pinaganda ng pinagsama-samang ambag ng mga Laang-Kawal at ng ibang mga pribadong mamamayan.
Ipinagkaloob naman ni Sgt. Stanley Fajardo ang 18 pirasong floating vest na gagamitin ng lahat ng sasakay sa nasabing bangka.
Ang nasabing bangka ay inilunsad matapos basbasan ni Capt Manuelito Arellano, ang chaplain ng Philippine Army.
Ang paglulunsad ay sinaksihan nina Col. Rodrigo V. Quintilla, at Col. Quirino S. Calonzo
Samantala, idinagdagpa ni Pangilinan na pinagsisikapan din nila ngayon na makapagpundar ng sasakyang panglupa na magagamit para sa mabilisang pagtugon sa mga emergency at disaster rescue operations.
Maging ang kanilang kooperatiba at service store ay kanilang pinauunlad upang higit na makapalingkod sa mga kasapi ng Laang kawal.
Hinggil naman sa kakayahan ng mga Laang Kawal, sinabi ni Pangilinan na patuloy sila sa mga pagsasanay bilang paghahanda.
Sa katunayan, isang pagsasanay ang isasagawa para sa iba pang Laang Kawal sa lalawigan.
Ito ang pagsasanay sa Disaster Emergency and Rescue Training (DEART) na gaganapin ngayong buwan ng Mayo.


