Home Headlines KWF Pinatatag ang Pamantayan ng Opisyal na Komunikasyon sa Wikang Filipino

KWF Pinatatag ang Pamantayan ng Opisyal na Komunikasyon sa Wikang Filipino

156
0
SHARE

Pinangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang pagpapalakas ng opisyal na komunikasyon sa Filipino—isang mahalagang hakbang sa pagpapatibay ng pamantayan at propesyonalismo sa mga institusyon—sa isinagawang Seminar sa Korespondensiya Opisyal noong 15 Enero 2026 sa University of the Assumption, San Fernando, Pampanga.

Sa naturang seminar, tinalakay ang Korespondensiya Opisyal (KO) at Ortograpiyang Pambansa (OP) bilang mahahalagang kasangkapan sa paglinang ng malinaw, episyente, at epektibong komunikasyon sa loob ng mga institusyong pang-edukasyon at pampubliko. Sa pamamagitan ng mga panayam at talakayan, ipinakita na ang wastong paggamit ng wika ay may direktang implikasyon sa kalidad ng serbisyo, kaalaman, at ugnayan sa loob ng mga tanggapan.

Ibinahagi Bb. Kirsteen D. Abustan ang panayam sa Korespondensiya Opisyal, na nakatuon sa tamang anyo at estruktura ng liham, memorandum, kapasiyahan, at iba pang korespondensiyang ginagamit sa mga institusyon. Samantala, pinangunahan ni Bb. Angelica Ellazar ang pagtalakay sa Ortograpiyang Pambansa na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagtalima sa tamang pagbaybay at pagsulat ng mga salita sa wastong pamantayan at gamit sa layuning mapanatili ang propesyonalismo sa mga opisyal na dokumento.

Dumalo at nagpakita ng suporta sina Komisyoner Carmelita C. Abduhraman at Komisyoner Reggie O. Cruz sa mandato ng KWF sa pagpapalaganap at pagpapaigting sa paggámit ng wikang Filipino sa akademya at serbisyo publiko.

Dumalo rin ang mga mag-aaral, guro, librarian, at iba pang kawani ng pamantasan, na naging aktibo sa pagbabahagi ng kaalaman at karanasan kaugnay ng mga paksang tinalakay. Ang kanilang partisipasyon ay nagpapatunay sa lumalaking interes at pangangailangan para sa pagsasanay sa wasto at epektibong paggamit ng Filipino sa opisyal na komunikasyon.

Ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335, sa pangunguna ng KWF, ay humihimok sa mga ahensiya ng pamahalaan na gamítin ang Wikang Filipino bilang opisyal na wika ng komunikasyon at korespondensiya sa serbisyo publiko.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here