Kunin ang pera, iboto ang kursunada

    640
    0
    SHARE
    Ilang araw na lang maghahalan na,
    Matapos ang sobrang pamumulitika
    At nagpakagastos sa pangangampanya
    Ang lahat-lahat na sa pagtakbo nila.

    At talaga namang gagastos ng husto
    Ang nakararami para lang manalo;
    Tulad na lang nitong ibang pulitiko
    Na namimigay r’yan ng kung  anu-ano.

    Pagkat ng dahil sa estratehiyang ganyan
    Ay posibleng mangibabaw sa kalaban,
    Itong ika nga po ay madaling hingan
    Ng anuman bago pa man maghalalan.

    Kasi bunsod nga ng kung anong pamain
    Na nakasanayan ng marami sa ‘tin,
    Ya’y utang na loob nang maituturing
    Kung kaya’t maaring iboto po natin.

    At yan ay tiyakang lagi’t-lagi na lang
    Mangyayari’t sukat sa tuwing halalan,
    Hangga’t patuloy na kinukunsinti yan
    Ng nakararami nating kababayan.

    Kung ang kalakaran para lang manalo
    Sa kompetisyon ang isang kandidato
    Ay dahil lamang sa masalapi ito,
    Yan sa ganang amin ay mali siguro.

    Pagkat ang resulta nito bandang huli
    Ay baka ibayo nga pong pagsisisi,
    Ang mararamdaman natin sa sarili
    Kapag ya’y naningil na ng dobli-doble.

    Kapag nagka-ganun ay tiyakang tayo
    O ang buong bayan itong apektado,
    Pagkat ano pa mang pinamudmod nito
    Ay sa kabang-bayan isisingil piho!

    Tulad na lang nitong ibang pulitikong
    Naging hanapbuhay na yata ang ganun,
    Sila’y lumaspag man ng kung ilang milyon
    Ay bale wala lang sa tuwing eleksyon.

    Papano nga kasi, pag nahalal sila
    Ang kapalit nito ay malaking pera
    Mula sa iba’t-ibang katransaksyon nila
    Na may iligal na lakad sa kanila.

    Kaya’t ano pa bang ating maasahan
    Kapag nanalo ang mga taong ganyan,
    Kundi malamang na pagpapayaman lang
    Ang aatupagin kapag nanungkulan.

    Sa puntong ito ay dapat lang marahil
    Na ang kalakarang ito ay putulin
    Sa pamamagitan ng pagboto natin
    Ng naa-ayon sa nararapat sundin.

    At di ‘yung kaya lang natin iboboto
    Ay dahilan lang sa na-abutan tayo
    Ng isang malutong na ‘Ninoy Aquino’
    O kaya ng isa na may ‘Tatlong Tao;’

    Pero kung talagang kailangan ang pera
    Ay puede rin namang tanggapin yan basta,
    Pagkat yan ay kusang ‘binibigay’ nila
    Sa mga botante para ihalal sila;

    Pero bayan, hangga’t maari po sana:
    Kunin po natin ang pamigay na pera,
    Ngunit ang iboto ay ‘yung kursunada
    Na alam po nating matino talaga! 


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here