Sa pagbisita ko sa isa kong anak
diyan sa Minalin, isa sa madalas
mapagtuunan ng pansin sa pabagtas
sa alin mang tulay, makikita agad;
Mula sa ibabaw ng alin man nga r’yan
na madaraanan patungong Tacasan,
walang ‘water lily’ at iba pang bagay
na makitang sa ilog palutang-lutang.
Malinis kumpara sa iba pang ilog
at mga sapa na basura ang halos,
ang sa katubigan ay paanod-anod
sa alin pa man d’yang barangay na sakop;
Ng butihing mayor ng bayang Minalin
na si Philip Naguit at kwenta pamangkin
ng naging Alkalde (Katoy) kung tawagin,
na masasabi kong napakahusay rin.
Di ko sinasabing ang mga sinundan
na naging mayor din di naging mahusay,
kundi ang akin ay ‘comparison’ lamang
nang noon at saka ng kasalukuyan.
Sa ganda at linis kumpara sa iba
na madaraanan sa parting Pampanga,
d’yan sa Macabebe, San Simon at saka
karatig, baha sa ‘water lily’ tuwina.
Pero ang kanila di pa nabalutan
ng ‘water lily’ at saka iba pa r’yang
pamatay ng daloy nga ng katubigan,
at pagtapon ng basura kahit saan.
Kaya kung gaano kalinis ang sapa
at ilog dito sa Minalin, di kaya
nang dahil na rin sa ang lahat yata
magkasundo sa mabuting panukala?
Na huwag hayaang itong ‘water lily’
yumabong tulad ng sa iba nangyari,
at sana dito rin sa San Simon pati,
yan ay madaliin n’yan hangga’t maari.
Partikular ni Kap at ng ‘Siting Mayor’
ang pagpapalinis na ‘on going’ ngayon,
kaya lang pahinto-hinto ang pagtugon
nitong kung sino siyang tunay na ‘contractor’.
Na nanalo nga riyan sa ‘bidding’ kung tunay
r’yan na nagkaroon ng naturang bagay,
na kinakailangan din na mabantayan
kung naaayon sa napagkasunduan.
Kap Tayag nitong barangay Sto. Nino
ng San Simon ‘concern’ po ba ang opis n’yo
sa pagpadurog ng ‘water lily’ rito
o basta na lamang walang ‘paki’ kayo?
Kasi nga, ang tagal na r’yang naghihintay
Itong inip na rin nating kabarangay,
na sana matapos na ang pagdurog diyan
sa ‘subject’ kahit na di kayo nakialam;
O tiningnan lang para subaybayin
ang proyetong para sa barangay natin,
ni anino mo Kap o Kagawad mandin
di sumilip para ang ‘work’ kumustahin.
Kaya ako, kayo bilang kabarangay
na may malasakit sa’ting pamayanan,
marapat lamang na ‘gisingin’ kayo riyan
para sa atin din namang Inang Bayan!~