Kumusta na ang Angeles sa kamay ni Mayor Ed?

    379
    0
    SHARE
    Sa isang tanyag na programa sa TV
    Na ngayo’y kilalang ‘network’ sa Region III,
    Nasundan ng abang lingkod o ‘yours truly’
    Ang istorya hinggil sa Angeles City.

    Na may koneksyon pa rin sa sangkaterbang
    Problema ng siyudad sa kasalukuyan,
    Na naging paksa ng programang naturan
    Ang masalimuot na usap-usapan.

    Kung saan itong si Angeles’ Vice Mayor-
    Vicky Cabigting at si City Councilor-
    Willy Rivera ay ininterbyu nitong
    Isang ‘broadcaster’ sa nasabing istasyon.

    At isa sa naging paksa ng panayam
    Ay itong umano ay pamanang utang
    Ng dating alkalde kay Mayor Pamintuan;
    Puwera sa iba pang problemang iniwan.

    Gaya ng ‘financial deficit’ ng siyudad
    Na di maikakailangang lumobo at sukat
    Sa loob lamang ng tatlong singkad
    Nang panunungkulan ng dating may hawak.

    Na naging bulagsak sa kuwarta ng bayan
    Kung kaya marahil nabaon sa utang
    Ang city hall sa walang kapararakang
    Paglustay, tulad ng di lubhang kailangan?

    Isa riyan, ang ‘multi-millions’ Sports Complex
    Na pinilit ipatayo sa Angeles
    Ng Ex-Mayor at ng ilang konsehales
    Kahit pinangutang lang nila ang ‘project’

    At iba pang bagay na pinag-aksayan.
    Nila ng di lamang salapi ng bayan,
    Kundi ng pati na panahong kailangang
    Ilaan para sa serbisyong pambayan.

    Gaya nitong imbes ospital o kaya
    Mga iskwelahan ang unahing kusa
    Ay proyektong hindi pang-masa ika nga
    Itong inaprubang ponduhan ng bigla?

    At maituturing din namang iligal
    Ang ganyang transaksyong kung pakatitingnan
    Sapagkat iilan lamang ang konsehal
    Na diumano’y pabor sa planong naturan.

    Kasi nga naman ay di napapanahon
    Para ipatayo ang ganyan kagarbong
    Proyekto na pinaglaanan ng ‘millions’
    Gayong may ibang dapat bigyan ng atensyon

    Na kagaya nga riyan ng pagpapagawa
    Ng ‘public high schools’ na kailangang lubha
    Ng nakararaming anak maralita,
    Na ni mag-’high school’ ay di n’yan magawa. 
      
    At kung saan si Oca ng San Fernando
    Ay nabanggit tuloy bilang ehemplo
    Ng isang Alkaldeng inu-una nito
    Ang kapakanan ng mahirap na tao

    Na nagnanais na makatuntong man lang
    Ng ‘high school’ kaya higit niyang binigyan
    Ng prayoridad ang bagay na naturan
    Kaysa ibang bagay na di karaniwan.

    Kaya naman hayan hitik itong siyudad
    Ng World Class City Mayor ng Pilipinas
    Sa dami ng ‘public school’ niyang sinikap
    Ipatayo para sa anak mahirap.

    At di inuna ang gaya sa Angeles
    Na pang-mayaman lang ang pamanang ‘project,’
    Kaya naman hayan – problema kay Ka Ed
    Ang malaking ‘deficit’ ng City budget!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here