Home Headlines Kumpanyang nagtabas ng mga puno sa Clark pinagmumulta

Kumpanyang nagtabas ng mga puno sa Clark pinagmumulta

559
0
SHARE
Ang ilan sa mga punong natabas sa kahabaan ng Prince Balagtas Avenue. Kuha ni Rommel Ramos

CLARK FREEPORT — Pinagmumulta ng Clark Development Corp. ang Asia Phil Inc. dahil sa pagtatabas ng mga puno sa kahabaan ng Prince Balagtas Avenue nang walang permiso.

Ayon kay Engr. Ruel Magat, environment manager ng CDC, nagpabas sila ng notice of violation laban sa Asia Phil. Inc. dahil sa pagtabas ng 27 mga puno sa lugar.

Aniya, ang Asia Phil. Inc., ang kumpanya na kinontrata ng CDC para sa maintenance ng mga puno doon ay lumabag sa nilalaman ng terms of reference na kailangan muna ang pahintulot mula sa environment office ng CDC bago ang pagtatabas alin man sa mga puno sa loob ng Clark.

Pinagtatabas aniya ng Asia Phil. Inc ang mga puno sa ilalim ng mga kawad ng kuryente doon matapos na maging dahilan ng pagkaka-antala ng power supply sa isang semi-conductor supplier company sa Clark.

Gayunpaman, bago kasi aniya ito gawin ay kailangan munang nakipag-coordinate ang Asia Phil. Inc sa kanilang tanggapan para mag-secure ng permit at clearance.

Dahil dito ay pinagmumulta nila ang Asia Phil. Inc. ng halagang P100,000 sa loob ng isang linggo.

Ayon naman sa impormasyon, aapela pa ang Asia Phil. Inc. sa mismong CDC kaugnay ng ipinataw na multa.

Samantala, 209 na mga puno pa gaya ng mga mangga ang pinutol din sa kahabaan ng Prince Balagtas Avenue para sa road expansion project sa bahagi ng Clark North Exit ng Subic-Clark-Tarlac Expressway.

Ayon kay Magat, ang 58 mga puno dito ay isasailalim sa earth-balling para mailipat sa ibang lugar.

Nilinaw niya na may permiso naman mula sa DENR ang pagpuputol na ito ng mga puno kaugnay ng nasabing road extension project.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here