Home Headlines Kumbersyon ng Bayabas River sa DRT bilang imbakan ng tubig, sisimulan na

Kumbersyon ng Bayabas River sa DRT bilang imbakan ng tubig, sisimulan na

608
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Sisimulan na ng National Irrigation Administration o NIA ang kumbersyon ng ilog Bayabas sa Donya Remedios Trinidad, Bulacan bilang isang imbakan ng tubig.

May nakalaan na 2.45 bilyong pisong pondo para sa Bayabas Small Reservoir Irrigation Project mula sa Pambansang Badyet ng 2023.

Ayon kay NIA Region III Project Manager Amador Deo Salinas, ito ay pangmatagalang tugon sa patubig para sa mga lupang sakahan sa Donya Remedios Trinidad at mga kalapit na bayan nito nang hindi umaasa sa sahod-ulan.

Magsisilbi rin itong permanenteng flood control project upang hindi makadagdag sa pagbabaha sa Bulacan ang tubig na umaapaw at natatapon lamang mula sa ilog ng Bayabas tuwing may bagyo na may dalang malalakas na ulan.

Sisimulan na ng National Irrigation Administration ang kumbersyon ng ilog Bayabas sa Donya Remedios Trinidad, Bulacan bilang isang imbakan ng tubig. (PIA Region 3 file photo)

Dahil maiimbak na ang tubig sa 226 na ektaryang lupa na idinisenyong reservoir inundation area, makakaipon ng nasa 53.137 million cubic meters na dami ng tubig na natatapon lang sa mahabang panahon.

Magbibigay ito ng karagdagang patubig para sa 26,981 na ektaryang lupang sakahan ng Palay sa Bulacan na kasalukuyang sinusuplayan ng Angat-Maasim River Irrigation System sa pamamagitan ng Bustos Dam.

Bukod dito, ang Bayabas Small Reservoir Irrigation Project ay magsusuplay rin ng patubig sa 150 na ektaryang lupa sa mismong bayan ng Donya Remedios Trinidad.

Taong 1994 pa unang isinulong ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan na maipagawa ang proyekto habang natapos ang feasibility study noong 2017 at ang detailed engineering design noong 2021.

Target matapos ang proyekto sa taong 2027.

Mananatili namang libre ang patubig na isusuplay nito sa mga magsasaka sang-ayon sa umiiral na Republic Act 10969 o ang Free Irrigation Service Act of 2018.

Kaugnay nito, sinabi ni Gobernador Daniel Fernando na wala nang dahilan para hindi pa matuloy ang proyekto na halos tatlong dekada nang nakabinbin.

Magiging malaking tulong aniya ito para lalong mapataas ang ani ng mga magsasaka nang hindi gagastos nang malaki at makikinabang naman ang mga mamimili ng bigas dahil mapapanatiling abot-kaya.

Tiniyak naman ng gobernador na habang hinihintay na matapos ang proyekto, patuloy na magkakaloob ng mga motor ng patubig ang Provincial Agriculture Office upang hindi maputol ang pagtatanim ng palay kahit sa panahon ng tag-araw. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here