Kubo sa loob ng Fort Magsaysay, binuwag

    478
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG PALAYAN – Binuwag ng mga sundalo mula sa 7th Infantry Division ng Philippine Army ang 10 kubo na itinayo ng mga pamilya mula sa mga kalapit na lugar sa nasasakupan ng malawak na military reservation sa Barangay Liwayway, Santa Rosa, kamakailan, ayon sa ulat ng militar nitong Miyerkules.

    Ayon kay Major Charlemaigne Batayola, tagapagsalita ng 7ID, mabilis na inaksiyunan ng pamunuan ng 7th ID ang pagtatayo ng mga maliliit na bahay upang maiwasan na lumala ang problema.

    Ayon sa opisyal ng militar, karamihan sa mga nagtayo ng bahay ay naghahanapbuhay sa kalapit na Material Recovery Facility (MRF) ng pamahalaang bayan ng Santa Rosa.

    Ipinaliwanag ni Batayola na hanggang sa kasalakuyan ay may nakasampa silang kaso laban sa mga residente sa iba’t ibang bayan na nasasakupan ng kampo. Ngunit hinahayaan muna nila ang mga ito habang dinirinig pa ng hukuman ang magkabilang panig.

    “Kaya binuwag kaagad itong mga bagong tayo para ma-prevent ang paglaki ng problema,” dagdag ni Batayola.

    Napuna ng militar ang pagtatayo ng kubo ay nagsimula noong nakaraang linggo.

    Inamin naman ng mga residente na wala silang pinanghahawakang anumang dokumento para sa ligal nilang paninirahan sa naturang lugar. May nagsabi lamang umano sa kanila na pag-aari na iyon ng bangko at maaari na silang magtayo ng kani-kanilang tirahan.

    Ayon naman kay Ricardo Beltran, may bahay ang kanyang pamilya sa kalapit na barangay ng Mapalad, San Rosa. Ngunit nagtayo siya ng kubo na yari sa sako, kawayan at iba pang light material “dahil gusto masarap mamahinga sa lugar na ito.”

    Ayon kay Batayola, umaabot sa 73,000 ektarya ang Fort Magsaysay Military Reservation nang ito’y likhain noong 1975. Ngunit dahil sa pagpapamahagi nito ay umaabot na lamang sa tinatayang 49,000 ektarya sa ngayon.

    Ang reserbasyon ay napailalim sa maraming proklamasyon na naglalaan ng bahagi nito sa pananahanan ng mga taong naging biktima ng digmaan at kalamidad, kasama na rito ang mga nawalan ng tahanan dahil sa pagsabog ng bulkang Pinatubo.

    Ayon sa militar, mapanganib din na may mga taong hindi pormal na nagtatayo ng bahay saan mang panig ng kampo dahil posibleng mapahamak sila kapag may military exercises.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here