Sinisiyasat ng mga operatiba ang bawat sulok ng tanggapan upang masiguro ang kaligtasan ng lahat kaugnay ng bomb threat. Contributed photo.
LUNGSOD NG CABANATUAN – Binulabog ng isang “bomb threat” ang sangay ng Regional Trial Court na nasa Bulwagan ng Katarungan, Old Capitol Compound sa lungsod na ito pasado alas-9 ng umaga nitong Martes.
Sa ulat ng Cabanatuan City Police Station, ang pagbabanta ay ginawa sa pamamagitan ng text message na ipinadala sa hotline ng hukuman 9:24 ng umaga.
Nakasaad umano sa mensahe na natanggap ng 36-anyos na clerk of court ng RTC Branch 23: “May sasabog jan anomang oras wag nyo itong ipagsawalang bahala.”
Maagap itong ipinaabot ng pamunuan ng RTC sa CCPS na nakipag-ugnayan naman sa provincial explosive and canine unit (PECU) na pinamumunuan ni Lt. Ferdinand Galang, ayon sa CCPS.
Dahil dito ay pinalabas ang mga kawani ng korte patungo sa ligtas na lugar habang siniyasat ng mga PECU operatives, kasama ang kanilang K9 units, pulis at utility personnel ang bawat sulok ng gusali.
“Upon the conduct pf paneling and sniffing operation ay wala po kaming nakita na anumang pampasabog o anumang sumasabog dun sa area,” ani Galang.
“Ngayon ito po ay kina-categorize po namin na ito ay isang false alarm. It is a positive reaction with a negative result,” paliwanag ng opisyal.
Pinuri gayunman ni Galang ang pamunuan ng korte sa maagap na pakikipag-ugnayan sa pulisya hinggil sa natanggap na text message.
Higit, aniyang, mabuti na matiyak ang kaligtasan sa ganitong pagkakataon.